(NI BERNARD TAGUINOD)
TUTUTUKAN ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kaso ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jeanelyn Villavende na pinatay sa bugbog ng kanyang Kuwaiti employer hangga’t hindi makamit ng kanyang pamilya ang katarungan.
Ito ang tiniyak ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap kung saan nais nito na tuluyan ipagbawal na ang deployment ng OFWs sa Kuwait kung hindi mabigyan ng karatungan ang pagkamatay ni Villavende.
“I will be closely monitoring this case and I will do everything in my power to push for a permanent deployment ban if this case goes nowhere,” pahayag ni Yap.
Ayon sa mambabatas, ang mga Pinoy worker ang pinakapaboritong kinukuha ng mga dayuhang employer dahil sa maayos nilang pagtatrabaho kaya hindi kawalan ng Kuwait kung sakali.
Gayunpaman, lumalabas na hindi iginagalang at tinatrato nang maayos ng Kuwaiti employers ang Pinoy workers na nagtatrabaho sa kanilang bahay kaya nararapat lamang ikonsidera ang total ban sa deployment sa nasabing bansa.
“Maraming ibang bansa dyan na igagalang ang dignidad ng ating mga kababayan at igagalang ang kanilang karapatan,” ayon pa kay Yap.
Sinabi naman ng ACT-OFW party-list na muling suriin ang labor agreement na nilagdaan ng dalawang bansa dalawang taon na ang nakararaan at kundi umano ito nasunod ay dapat nang magdesisyon ang gobyerno kung magpapadala pa o hindi na ng OFWs sa Kuwait.
“It is easy to jump into a paroxysm of inquiries following death of OFWs but we cannot be amiss with our duties in according enough security and safety guarantees they deserve,” ayon sa nasabing grupo.
Magugunita na nagkaroon ng labor agreement ang dalawang bansa kasunod ng kaso ni Joanna Demafelis na isinilid sa freezer ang kanyang bangkay ng mag-asawang employer nito sa Kuwait.
164