Kaso vs eco managers ni BBM posible P60-B FUND ISOLI SA PHILHEALTH

(BERNARD TAGUINOD)

NAGBABALA ang isa sa mga petitioner laban sa paglilipat sa pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sasampahan nila ng mga kaso ang economic managers ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kapag ginalaw nila ang nailipat sa kanilang pondo.

Kasabay nito, humirit si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa Supreme Court (SC) na mag-isyu ng status quo ante order para ibalik ang P60 billion sa P89.9 billion na unang nailipat sa National Treasury sa PhilHealth upang masigurong hindi ito magamit.

“Executive officials might face a new court case if they use the P60 billion in PhilHealth funds already transferred to the national treasury,” ani Rodriguez kasunod ng inisyung Temporary Restraining Order (TRO) ng SC laban sa paglilipat ng pondo ng state insurer.

Magugunita na pinalagan ng taumbayan ang paglilipat ng pondo ng PhilHealth matapos mabigo ang nasabing ahensya na gamitin ito para sa mga miyembro na nangangailangan ng tulong medikal sa mga nagdaang taon.

Dahil dito, dinala ng iba’t ibang grupo kasama si Rodriguez ang usapin sa SC dahil naniniwala ang mga ito na ilegal o unconstitutional na gamitin ang pondo ng PhilHealth sa mga proyektong nasa ilalim ng Unprogrammed Appropriations (UA).

Hinamon din ng mambabatas si Marcos na igalang ang SC at atasan si Finance Secretary Ralph Recto na ibalik sa PhilHealth ang nasabing pondo.

Kaugnay nito, kapwa nirerespeto nina Solicitor General Menardo Guevarra at Finance Secretary Ralph Recto ang kautusan ng SC.

Tiniyak ni Recto na tatalima ang DOF sa kautusan ng korte subalit muling binigyang-diin na ang paglilipat ng sobrang pondo ng Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) ay mandato sa ilalim ng batas o General Appropriations Act 2024 na inaprubahan ng Kongreso. (Dagdag na ulat ni JULIET PACOT)

77

Related posts

Leave a Comment