KASO VS MAYOR GUO IKINAKASA NG DOJ

SASAMPAHAN ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pang personalidad na may kaugnayan sa ni-raid na Zun Yuan Technology Inc. noong nakalipas na Marso.

Sa matibay na ebidensya na nagpapatunay sa kanyang direktang koneksyon sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hub sa Tarlac, posible umanong madiin sa kasong kriminal ang mayora.

Isasampa laban sa nasuspindeng alkalde ang kasong human trafficking at iba pang illegal activities sa darating na Biyernes, June 21 sa tanggapan ng DOJ.

Dito, idedetalye ang pagkakasangkot ng mayora sa naturang raid sa POGO hub na matatagpuan sa Baofu compound sa likod mismo ng Bamban Municipal Hall.

Sinabi ni PAOCC spokesman Winston John Casio, kasama rin sa kakasuhan ang incorporator ng POGO firm at Ilan pang mga indibidwal na hindi nabanggit ang mga pangalan.

Ang mga PAOCC official at iba pang ahensya ng gobyerno ay magpupulong sa Martes upang magpasya sa mga kasong isasampa laban kay Mayor Guo.

Magugunitang pinatawan ng Office of the Ombudsman ang alkalde at dalawang opisyal ng lokal na pamahalaan ng anim na buwang preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy ang kanilang kasalanan sa illegal activities sa POGO. (JULIET PACOT)

185

Related posts

Leave a Comment