(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
NAWALA ang suporta ng mayorya ng Pilipino kay House Speaker Martin Romualdez dahil puro pamumulitika ang inaatupag nito.
Ayon kay dating Presidential spokesperson Harry Roque sa kanyang programa sa SMNI, ayaw ng taumbayan ng pulitika.
Mas gusto aniyang makita ng mga ito ang solusyon sa mga kasalukuyang problema sa bansa partikular ang mga usapin na malapit sa sikmura.
Inihalimbawa ni Roque na dapat bigyan ng solusyon ang pagtaas ng presyo ng bilihin, pagtaas ng sahod ng manggagawa, at magkaroon ng mas maraming trabaho.
Matatandaang sa resulta ng survey ng PUBLiCUS Asia kamakailan, bumulusok sa 37% ang approval rating ni Romualdez mula sa 42% sa ikalawang quarter, habang bahagyang bumaba ang trust rating niya mula 32% patungong 29%.
Maging sa resulta ng survey ng Pulse Asia noong September 6-11, 2023 ay bumaba ang rating ni Romualdez.
Para kay Roque, ipinapakita nito na hindi tanggap ng nakararaming Pilipino ang maagang pamumulitika ng lider ng Kamara.
Aniya, maging sa usapin ng panlabas na relasyon ng Pilipinas ay wala halos pakialam ang mga Pilipino.
“Sa West Philippine Sea, 7% lang, ang gusto nila talaga yun panlabas na relasyon paano magdudulot ng mas maraming pagkain sa hapag-kainan ng Pilipino, hindi girian nang girian,” pahayag pa ni Roque.
May patutsada rin ang dating tagapagsalita ng Palasyo sa aniya’y mga maka-Amerikanong bulong nang bulong kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
“Akala nila siguro na kapag hinimok natin ang mga Pilipino na magalit sa China eh malilihis ang isyu. Pupunta sa China makakalimutan ang isyu na malapit sa sikmura.”
“Mali dahil kapag ang sikmura nagutom, walang pakialam sa mga isyu. Ang kinakailangan ng tao, pagkain at mababang presyo ng bilihin. Itigil na ang pamumulitika, itutok ang ating lakas at oras sa problema ng bansa. Isantabi na muna ang 2028,” litanya pa ni Roque.
Nauna nang lumutang ang posibilidad ng pagtakbo ni Romualdez sa 2028 presidential elections at ang sinasabing makakatunggali nito ay si Vice President Sara Duterte.
165