(NI KIKO CUETO)
NAGBABALA ang Department of Health (DOH) na posibleng makasuhan at makulong ang sinumang makikipag-transaksyon o magbebenta ng mga kidney o bato sa katawan, sa social media.
Aminado ang DOH na nababahala sila sa mga naglipana na bentahan ng mga kidney sa social media gaya ng Facebook.
Nagsisilbi pa na buy and sell ang mga kidney, kung saan nape-presyuhan ito ng mula P250,000 hanggang P500,000.
Ang malaking bahagi nito ay napupunta sa tinatawag na middleman.
Aminado ang Philippine Organ Donation and Transplantation Program ng Department of Health (DOH) na nahihirapan sila na pigilan o habulin ang mga ganitong transaksyon sa social media.
Sinabi umano ng Philippine Network for Organ Sharing (PHILNOS), na sa ngayon ay may 126 na tao na nasa kanilang waiting list ng mga nangangailangan ng kidneys.
Ang waiting period sa organs ay tumatagal ng hanggang tatlong taon.
“Since there’s a market already, may demand, nagkakaroon ngayon ng deluge of potential supply which social media platforms permit to happen,” sinabi ni PHILNOS-DOH Project Director Dr. Francis Sarmiento.
Sa buong bansa, nasa 37,000 Filipinos ang kailangan ng kidney transplants, pero marami ang hindi na naglalagay ng kanilang mga pangalan dahil sa haba ng listahan, at ang gastos sa operasyon ay papalo ng P1.5 million.
Nagsisikap ang DOH na pigilan ang organ sale sa online o sa social media.
“Through enlistment kasi mas magiging fair and just ‘yung allocation natin. Hindi siya highest bidder kamukha ng nangyayari decades ago, hindi siya palakasan. By the mere fact that they’re susceptible, subject sila sa coercion, sa deception dahil sinasamantala ng middle man ‘yung ganung sitwasyon,” sinabi ni Sarmiento.
131