Kill order galing sa Bilibid GUNMAN SA PERCY LAPID SLAY SUMURENDER

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NAKA-TACTICAL helmet at bulletproof vest nang iharap sa media ni Secretary of Interior and Local Government Benhur Abalos ang sumukong gunman umano sa pamamaslang sa veteran broadcaster na si Percy Lapid kahapon ng umaga.

Ang suspek na si Joel Estorial ay umamin na siyang bumaril at pumatay kay Percival “Percy Lapid” Mabasa noong Oct. 3 sa Las Piñas City.

Ayon kay Estorial, natakot na siya para sa kanyang seguridad matapos ilabas ng mga otoridad ang kanyang larawan na nahagip sa CCTV ilang minuto bago ang pamamaslang kay Lapid.

Inamin din niya na mahigit kalahating milyon ang ibinayad sa kanila para patahimikin ang biktima at ang kanyang parte na P140,000 ay idineposito sa kanyang bank account.

Ang ‘kill order’ aniya ay nagmula sa isang nasa loob ng Bilibid National Penitentiary. Bukod sa kanya, may tatlo pa aniyang suspek sa krimen na kanyang pinangalanan na sina alyas “Orly” at magkapatid na Edmond at Israel Adao Dimaculangan.

Hindi Fall Guy

Nanindigan naman si Abalos na hindi fall guy ang sumukong gunman.

Ayon kay Abalos, naniniwala siyang si Estorial talaga ang gunman base na rin sa backtracking investigation na ginawa ng mga tauhan ng PNP-NCRPO.

Bukod sa nagtugma ang baril na ginamit at ang slug ng bala na nakuha sa crime scene ay nakuha rin sa suspek ang punit-punit na pulang jacket na kanyang isinuot noong likidahin si Lapid.

Kaugnay nito, nanawagan ang PNP at si Sec. Abalos sa magkapatid na Dimaculangan at sa isang alyas Orly na sumuko at makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa ikalulutas ng krimen at para na rin sa kanilang kaligtasan.

Nauna nang nag-alok ng kabuuang P6.5 milyong pabuya ang ilang personalidad kabilang si Abalos para sa makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo sa mga salarin.

Pinuri naman ni Abalos sina Southern Police District Director Police Colonel Kirby John Brion Kraft at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Jonnel Estomo sa development sa kaso ni Lapid.

Pinuri rin ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Abalos at ang PNP sa paglutang ni Estorial.

“We in the House of Representatives welcome this positive development in the unfortunate crime that took the life of Percy Lapid. We applaud the efforts of SILG Abalos and the police to swiftly resolve the case,” ani House Speaker Martin Romualdez.

“The protection of members of the Fourth Estate is of paramount importance as they play a vital role in nation-building,” ayon pa sa lider ng Kamara.

Matatandaang nag-ambagan ang mga miyembro ng Kamara at nakalikom ang mga ito ng P5 million na idinagdag sa pabuya para sa ikalulutas ng nasabing krimen.

Motibo at Mastermind Tutukan

Sa Senado, sinabi naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na dapat bumuo ang PNP ng pinakamagaling na special investigator para alamin ang tunay na motibo at madakip ang mastermind sa pagpatay kay Lapid.

“I hope the PNP will assign best special investigators to get the bottom of this. This is just special initial step. Dapat i-pursue natin hanggang mastermind. This must be formally, thoroughly and competently investigated by our best criminal investigator,” sabi nito.

Habang si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ay umapela naman sa PNP na huwag isara at ipagpatuloy ang imbestigasyon sa pagpaslang sa brodkaster.

Ayon sa mambabatas, hindi maaaring ikonsiderang case solved ito dahil ang mga kakuntsaba ng sumukong si Estorial hindi pa rin natutukoy.

Samantala, nagpasalamat ang pamilya Mabasa sa development sa kaso.

“We hope this development leads to the identification, arrest and prosecution of the mastermind,” bahagi ng statement ng pamilya.

“We hope Percy does not become part of the statistics and continue to clamor for justice for Percy and the nearly 200 journalists killed since 1986,” anila pa. (Pinagsamang ulat nina ROSS CALDERON, JESSE KABEL, BERNARD TAGUINOD, NOEL ABUEL)

11

Related posts

Leave a Comment