(NI JESSE KABEL)
ISANG indignation rally ang ilulunsad ng ibat ibang militanteng grupo ngayon, Lunes, para kondenahin at ihingi ng hustisya ang pagpatay sa dalawang human rights workers sa Sorsogon nitong Sabado ng umaga.
Pangungunahan ng grupong Karapatan at iba’t ibang people’s organization ang ikinasang kilos-protesta sa umanoy extra judicial killing kina Ryan Hubilla, 22,at Nelly Bagasala, 60, miyembro ng Sorsogon People’s Organization at kapwa din Karapatan-Sorsogon staff members.
Sina Hubilla at Bagasala ay binaril sa Brgy. Cabid-an, Sorsogon City, Sorsogon . Ang dalawa ay parehong aktibong tumutulong sa mga kasong may kaugnayan sa human rights violations at umaayuda rin sa mga political prisoners sa lalawigan.
Magsisimula ang indignation rally sa Department of National Defense, EDSA Gate, Quezon City.
Ayon kay Police Lt. Col. Eymard Gomez, hepe ng Sorsogon City Police, pinagbabaril ng dalawang lalaking naka-motorsiklo ang mga biktima alas-9:00 ng umaga noong Sabado.
Unang binaril si Hubilla na kabababa lang ng tricycle, sumunod na pinaputukan si Bagasala.
Nakatakbo at nakaligtas ang isa pa nilang kasamahan na hindi muna pinangalanan ng pulisya.
183