KINATAWAN NG ICC IPAAARESTO NI ENRILE

PARA kay Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, hindi dapat payagan ng pamahalaan na imbestigahan ng mga kinatawan ng International Criminal Court (ICC) Ang sinomang opisyal ng Pilipinas.

Reaksyon ito ni Enrile matapos payagan ng ICC ang hiling ng prosecutor nito na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa madugong war on drugs sa bansa.

Dapat anyang ipaaresto ang mga ICC investigator na pupunta sa Pilipinas para silipin ang nangyari sa mga biktima ng giyera kontra droga.

Masyado aniyang nakikialam ang ICC sa usaping panloob ng Pilipinas at sa halip na agarang magdesisyon ay dapat humingi ito ng permiso para makapasok ang kanilang mga imbestigador sa bansa.

Tahimik sa China

Sa gitna ng mga tila pagbabanta at patutsada ni Enrile sa ICC ay pinuna naman ito ni Bayan Muna chairman at dating Congressman Neri Colmenares sa pananahimik nito sa China na nananakop at umaangkin sa teritoryo ng Pilipinas.

“Kapag China o Amerikano ang pumasok dito, ok si Sec. Enrile, pag ICC ipapahuli n’ya. False nationalism na naman yan. Sen. Enrile did not complain when China was allowed to enter and harvest our fish and resources even without a treaty and in violation of the UNCLOS Treaty which we signed,” ani Colmenares.

“He cannot now become a pseudo nationalist and complain if we follow the ICC treaty we signed,” ayon pa sa dating mambabatas kasabay ng payo kay Enrile na basahin ang Article 127 ng Rome Statute.

Ipinaliwanag ni Colmenares na kahit nag-withdraw ng membership ang Pilipinas sa ICC noong 2018 ay may obligasyon pa rin ito na makipagtulungan lalo na’t ang krimeng iniimbestigahan ay naganap bago ang withdrawal.

WOA vs Duterte

Dahil dito, nagbanta ang dating mambabatas na kapag hindi pa rin nakipagtulungan ang gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ICC ay mapipilitan ang mga ito na maghain ng pleading para maglabas ang ICC ng arrest warrant laban kay Duterte at iba pang iniimbestigahan sa war on drugs.

“Should the Philippines continue to refuse to fulfill its obligation under international law, we will be forced to file a pleading requesting the ICC Prosecutor and Pre-trial chamber to issue summons or warrant of arrest against Pres. Duterte et al under Article 57 and 58 of the Rome Statute,” banta ni Colmenares na isa sa mga abogado ng pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings.

Bukod kay Duterte, kasama sa inireklamo sa ICC si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na tulad ng dating Pangulo ay ayaw magpasakop sa nasabing korte.

Subalit ayon kay Colmenares, hindi iniimbestigahan ang mga ito sa Pilipinas kaya tumakbo sa ICC ang pamilya ng mga biktima ng war on drugs. (BERNARD TAGUINOD)

160

Related posts

Leave a Comment