KINATAWAN NG ICC NAIS IPATAWAG SA SENADO

POSIBLENG ipatawag ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang kinatawan ng International Criminal Court o ICC.

Ito ay kaugnay sa ikakasang imbestigasyon sa resolution na humihiling sa Senado na depensahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsisiyasat ng ICC na may kinalaman sa inilunsad na drug war noong nakaraang administrasyon.

Sinabi ni Senador Francis Tolentino na nais niyang malaman muna sa kinatawan ng ICC ang iginigiit nitong kulang sa pleading ng Office of the Solicitor General kaya’t ibinasura ang apela para suspendihin ang pagsisiyasat.

Kasabay nito, kinumpirma ni Tolentino na tinanggap na niya ang hiling ni Senador Ronald Bato dela Rosa na magsilbi bilang defense lawyer nito sa naturang alegasyon.

Maging para anya sa dating Pangulo ay handa siyang magsilbi bilang abogado kung kukunin ang kanyang serbisyo.

Kaugnay nito ay susulat si Tolentino kay Senate President Juan Miguel Zubiri upang bigyan siya ng clearance para sa pag-aabogado kay dela Rosa.

Nilinaw naman ni Tolentino na ang gagawin nilang pagdinig ay hindi mangangahulugan na kinikilala ng bansa ang hurisdiksyon ng ICC at sa halip ay ipauunawa lamang sa kanila na kahit magtuloy-tuloy ang kanilang imbestigasyon ay wala rin itong pupuntahan. (DANG SAMSON-GARCIA)

124

Related posts

Leave a Comment