(NI NOEL ABUEL)
IGINIIT ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa gobyerno ng Pilipinas na buksan ang isipan nito at magpakita ng statesmanship sa resolusyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na naglalayong magsagawa ng masusing imbestigasyon sa human rights situation sa bansa.
Ayon kay Drilon, mahalagang makipagkooperasyon ang gobyerno upang malaman ang tunay na sitwasyon sa bansa ng isinasagawang paglaban sa illegal na droga ng Duterte administration.
Sa halip aniyang bigyan ng malisya ng pamahalaan ang gagawing imbestigasyon ng itinuturing na highly respected organizations tulad ng UNHRC, kung saan ang Pilipinas ay kabilang sa founding members nito, ay makabubuting makiisa na lang ang mga bansa.
Sa panig naman ni Senador Panfilo Lacson, sinabi nitong hindi na kailangan pa ang pakikialam ng UNHRC sa pang-aabuso ng mga awtoridad lalo na at may ahensya ng pamahalaan na nag-aaral sa mga kaso ng mga pulis.
“We have a functioning criminal justice system that deals adequately with erring law enforcers. We regularly provide our Commission on Human Rights the budget they need to perform their mandate. Obviously, we can manage without the intervention of the UN Human Rights Council,” sabi pa ni Lacson.
Nagpasalamat naman si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan sa mga bansang Argentina, Australia, Austria, Bahamas, Bulgaria, Croatia, Czech Republic, Denmark, Fiji, Iceland, Italya, Mexico, Peru, Slovakia, Espanya, Ukraine, UK Great Britain at Northern Ireland, at Uruguay sa pag-aalala sa libu-libong mahihirap na mamamayan na pinatay sa war on drugs ng Philippine government.
“Ang mga bansang ito ay nananawagan sa gobyerno ng Pilipinas na “gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maiwasan ang mga extrajudicial killings at enforced disappearances, upang isagawa ang mga pagsisiyasat na walang kinikilingan at panagutin ang may pananagutan, “ aniya.
166