KOPYA NI DU30 VS NINJA COPS IBINIGAY NI GO; DESISYON HINIHINTAY

duterte500

(NI CHRISTIAN DALE)

PERSONAL na inihatid ni Senador Bong Go kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kopya ng Senate Blue Ribbon Committee sa tinaguriang ninja cops.

Sa panayam sa Malakanyang, sinabi ni Go na hawak na ng Pangulo ang nasabing kopya at hihintayin na lamang kung ano ang desisyon ng Pangulo rito.

Nauna rito, inilabas noong Biyernes ang rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa isyu ng ninja cops at nakitaan nito ng paglabag si dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde.

Matapos ang siyam na pagdinig ukol sa maanomalyang implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na napunta sa isyu ng ninja cops o mga tiwaling pulis, lumabas sa report na dapat managot si Albayalde.

Iniuugnay si Albayalde sa kuwestiyonableng drug raid ng kanyang mga tauhan noon sa Pampanga taong 2013.
Nakialam umano si Albayalde sa dismissal case laban sa 13 pulis na kumulimbat at nag-recycle umano sa kilo-kilong droga na nasamsam nila.

“The findings are he is liable to the anti-graft [law] and that will be up to the Ombudsman and the Department of Justice… I think he is liable. Very liable,” sabi ni Sen. Richard Gordon, chairman ng komite.

Pero higit sa graft and corruption case na inirerekomenda ng Senado laban sa grupo ni Albayalde, nilabag din umano nila ang section 27 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“If you ask me as a lawyer and not as Blue Ribbon chair, it would warrant drug charges against Albayalde,” ani Gordon.

Wala pang pahayag ukol dito si Albayalde.

Maaalalang nagbitiw na bilang PNP chief si Albayalde ilang linggo bago ang nakatakda niyang pagreretiro.
Nauna na niyang sinabing pawang mga paninira lang ang akusasyon sa kanya.

Samantala, tiwala ang DOJ na padadalhan sila ng kopya ng report ng Blue Ribbon Committee para magamit sa kanilang bagong imbestigasyon sa kontrobersiyal na 2013 Pampanga raid.

“This report will surely be useful in the reinvestigation of the alleged drug recycling/ninja cops case currently being conducted by the DOJ,” ani Justice Sec. Menardo Guevarra.

Magugunitang sinabi ng Chief Executive na hihintayin na muna niya ang resulta ng imbestigasyon ng Senado at Department of Interior and Local Government (DILG) hinggil sa kaso bago siya gagawa ng hakbang.
Subalit tinanggap na rin niya ang isinumite ni Albayalde na non-duty service sa PNP.

142

Related posts

Leave a Comment