(BERNARD TAGUINOD)
NAIS paimbestigahan ng isang grupo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga flood control project na ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay dahil walang ibang nakikitang dahilan ang Makabayan bloc sa matinding pagbaha na dulot ng bagyong Kristine sa Kabikulan at mga karatig lalawigan ng Batangas at Cavite kundi katiwalian.
“Ang pinsalang ito ay resulta ng sistematikong korupsyon at kapabayaan ng gobyerno,” ayon sa grupo ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Ipinaliwanag ng mambabatas na pinayagan ng Pangulo at local officials ang mga proyektong sumisira sa kalikasan tulad ng quarrying, logging at mining operations sa Bicol Region at iba pang lugar sa bansa kaya naningil ang kalikasan.
Gayunpaman, ang mamamayan aniya ang nagdurusa habang ang mga negosyante ay nagpapakasasa na hindi mangyayari kung walang korupsyon hindi lamang sa national kundi sa lokal na gobyerno.
Nagdududa rin si Brosas kung totoo ang 5,500 flood control projects na ipinagmalaki ni Marcos sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) na ginagastusan ng P1 billion kada araw.
Dahil dito, hinamon ng mambabatas ang Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa proyektong ito dahil kung ipinatupad ito ay hindi mangyayari ang delubyong sinapit ng Bicol region.
“Sa kabila ng ipinagyayabang ni Marcos na higit sa 5,500 flood control projects na nagkakahalaga ng Php244 bilyon, patuloy pa rin ang mga pagbaha na naglagay sa panganib at sumira sa kabuhayan ng milyon-milyon nating kababayan. Kailangan nating tanungin: Nasaan napunta ang pondo ng mga proyektong ito?,” tanong ni Brosas.
Nais ng kongresista na matigil na ang ganitong mga proyekto at panagutin ang mga responsable kung meron mang itinayo dahil hindi nito naproteksyunan ang mga tao sa panahon ng kalamidad.
70