KOSTUDIYA NI QUIBOLOY TINANGGIHAN NG DND

SASALUNGATIN ng Department of National Defense (DND) ang anomang pagtatangka na ilipat sa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nadakip na leader ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy.

Sa pahayag ni DND Public Affairs Service Chief Director Arsenio R. Andolong, sinabi nito na ang pasilidad ng AFP ay nagpapatupad ng mahigpit na security protocol kaya’t hindi umano ang AFP ang tamang ahensiya para magkulong ng mga suspek sa kasong kriminal.

Nabatid pa na kahapon ay isang mataas na opisyal ng DND ang nagtungo sa Pasig RTC Branch 159 para maghain ng pagtutol sa isinumiteng mosyon ng kampo ni Quiboloy para ilipat ito sa military custody.

Kaugnay nito, inihayag naman ng tagapagsalita ng AFP na si Col. Francel Margareth Padilla na sakaling paboran ng korte ang hiling ng kampo ni Pastor Quiboloy ay kanila itong igagalang.

“We respect whatever will come out from [the court],” ayon pa sa AFP spokesperson.

Sa ginanap na pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, inihayag ni Padilla na: “Handa naman tayo, but not really honing in on particular individuals. We have facilities in place and we would be respecting the role of the PNP in this and we defer to what will come out from [the court].”

Katwiran ng KOJC natatakot sila sa seguridad ni Quiboloy sa loob ng Camp Crame kaya nais nilang mailipat ito sa AFP Custodial facilities.

Samantala, kinilala na rin ng Philippine National Police ang naging papel ng AFP sa tuluyang paglutang ni Quiboloy.

Ayon sa PNP, naging instrumento ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) para magtagumpay ang unang negosasyon sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at kampo ni Quiboloy.

Sa tulong aniya ng PNP Intelligence Group (IG) at ISAFP, naging mapayapa ang negosasyon at maayos na napasuko ang matagal nang nagtatagong pastor, kasama ang mga kapwa akusado na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada, at Sylvia Cemanes.

Sa ilang social media post na hindi kinumpirma ng AFP ay sinasabing sumuko si Quiboloy kay Maj General Edmundo Peralta, ang pinuno ng ISAFP noong September 8. Kaya marami ang umaasa na ilipat ito sa kustodiya ng AFP. (JESSE KABEL RUIZ)

58

Related posts

Leave a Comment