KOTSE SINALPOK NG NAG-OVERTAKE NA TRUCK

QUEZON – Sugatan ang driver ng isang kotse matapos nitong makasalpukan ang kasalubong na trailer truck sa Quirino Highway, San Vicente, sa bayan ng Tagkawayan sa lalawigang ito, nitong Martes ng madaling araw.

Sa tindi ng salpukan ay nawasak ang unahan ng kotse, tumilapon at nahulog sa kanal.

Ilang minuto ring naipit ang driver na si Felix Tumotorbo, 36, taga Taguig City, at naging pahirapan ang pagsagip sa kanya. Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktimang matinding napinsala ang katawan.

Masuwerte namang hindi nasaktan ang kasama nitong babae sa kotse.

Nasira rin ang kaliwang bahagi ng unahan ng trailer truck ngunit hindi nasugatan ang driver nito na si Joseph Marfil, 46, at ang kanyang pahinante.

Ayon sa Tagkawayan Municipal Police Station, patungong Pamplona, Camarines Sur ng kotse habang patungo naman sa Maynila ang trailer truck.

Base sa kuha ng dashcam ng nasalpok ng kotse, nag-overtake ang truck sa kurbadang bahagi kaya nabulaga ang kotse at nagkasalpukan ang dalawang sasakyan.

Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property ang driver ng trailer truck. (CYRILL QUILO)

139

Related posts

Leave a Comment