KRIZLE MAGO, HINIMOK MAGSABI NG TOTOO

UMAASA si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan na magkakaroon din ng lakas ng loob ang nag-resign na Pharmally Pharmaceutical Corporation official na si Krizle Grace Mago na magsabi ng katotohanan hinggil sa pagsusuplay nito sa gobyerno ng mga kagamitan para sa paglaban sa COVID-19.

“MAY you find the strength and the wisdom to tell the truth,” saad ni Pangilinan.

Sa gitna ito ng pagbawi ni Mago sa kanyang testimonya noong September 24 sa Senate Blue Ribbon Committee na pinalitan nila ang certificates ng face shields na ibinenta sa gobyerno.

Sinabi ni Mago na matinding pressure ang kanyang naramdaman nang ilatag ang kanyang testimonya.

“I did feel pressure during the whole investigation. At the same time, I was trying not to be evasive and answer questions because there is also a threat of being cited for contempt if I become evasive in the questions of the Senate,” pahayag ni Mago.

Gayunman, may ibang teorya si Pangilinan sa pagbawi ni Mago ng kanyang testimonya kabilang na ang pananakot sa kanya ng mas may kapangyarihan upang huwag magsabi ng katotohanan.

Sinabi ng senador na alam nilang hindi madali ang sitwasyon ngayon ni Mago dahil posibleng may masasagasaan kung magsasabi siya ng katotohanan pero umaasa ang mambabatas na malilinawan ang isipan nito at magsasabi ng totoo. (DANG SAMSON-GARCIA)

2

Related posts

Leave a Comment