(BERNARD TAGUINOD)
HINDI ang mga tinaguriang “dilawan” ang makikinabang kapag nagkaroon ng kudeta at mapatalsik ang kasalukuyang administrasyon kundi ang pangalawang pangulo.
Ito ang nilinaw ng isang miyembro Liberal Party (LP) na hindi na nagpabanggit ng pangalan kasunod ng umano’y ‘internal conflict” sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Under the law of succession, yung sitting vice president ang papalit kapag nagkaroon ng coup at matanggal ang presidente,” paglilinaw ng opisyal sa nasabing partido.
Si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang nakaupong bise presidente ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaya kung magkaroon aniya ng kudeta ay ito ang otomatikong uupo bilang pangulo ng bansa.
Si Duterte na running mate ni Marcos noong nakaraang eleksyon ay chairman ng Lakas-CMD at anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“So walang pakinabang d’yan (sakaling magkaroon ng kudeta) ang LP,” ayon pa sa opisyal ng nasabing partido.
Sakali man aniyang kapwa matanggal sina Marcos at Duterte sa pamamagitan ng kudeta, ang Senate president ang uupong pangulo sa katauhan ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na hindi rin kaalyado ng LP.
Ang dalawang maaaring maging pangulo ng bansa sa ilalim ng law of succession ay ang Speaker of the House of Representatives at Chief Justice ng Korte Suprema.
Ginawa ng impormante ang pahayag matapos umugong ang umano’y internal conflict sa loob ng AFP na pinangangambahan ni House deputy minority leader France Castro na posibleng mauwi sa kudeta.
Gayunpaman, itinatanggi ng pamunuan ng AFP ang internal conflict subalit umapela si AFP chief of staff Andres Centino sa kanilang hanay na na itigil na ang ‘squabling”.
