(ABBY MENDOZA)
MARIING itinaggi nina Albay Rep. Joey Salceda at Anakalusugan Rep. Mike Defensor na may mangyayaring kudeta o pag-aaklas sa pagbubukas ng 18th Congress sa Lunes.
Paliwanag ni Salceda, malabo ang sinasabing kudeta lalo at malinaw ang naging pahayag ni Pangulo Rodrigo Duterte na magkaroon ng term sharing sa House Speakership at mauuna si Taguig Rep Alan Peter Cayetano.
Giit naman ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor sinabi nito na inirerespeto ng mga kongresista ang naging pag endorse ng Pangulo kina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang House Speaker kaya malayong may mangyaring kudeta.
Sa ngayon ay naayos na umano ang organization sa Kamara kabilang dito ang magiging mga Deputy Speakers at sa Lunes ay paplantashin na kung sinu- sino ang hahawak ng mga Committee Chairmanship.
Nauna nang inihayag ni Presidential son at Davao City Rep. Paolo Duterte na mayroong speaker aspirant ang maaring magpasimuno ng kudeta sa mauupong lider ng Kamara sa pagbubukas ng 18th Congress subalit malambot naman ang posisyon dito ng mga mambabatas dahil mismong ang Pangulo na umano ang nagsalita sa kung sino ang House Speaker.
Samantala, patuloy ang preparasyon sa Batasan Complex para sa State of the Nation Address.
Nabatid na mga awiting naging bahagi na ng kasaysayan ang sasalubong sa mga dadalo sa ika-apat na SONA ng Pangulo.
Sinabi ni Cultural Center of the Philippines President Arsemio Lizaso na tutugtog sa mismong araw ng SONA ang Philharmonic Orchestra at kundiman ang kanilang aawitin para sa mga panauhin.
Aniya, libre ang kanilang gagawing pagtatanghal upang mapanood ito ng publiko.
Pupuwesto ang mga ito sa main lobby ng House of Representatives kung saan magsisimula silang magtanghal ganap na alas 2:00 ng hapon hanggang bago magbukas ang Joint Session ng 18th Congress.
169