(NI DANG SAMSON-GARCIA)
AMINADO si Senador Manny ‘Pacman’ Pacquiao na ang kakulangan ng suporta sa mga guro ang posibleng isa sa dahilan kaya’t nangungulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa English, Math at Science.
Sinabi ni Pacquiao na dapat suportahan ang mga guro upang makapagbigay sila ng de kalidad na edukasyon sa mga estudyante.
“‘Yung teachers natin kailangan gastusan natin, suportahan natin para magkaroon sila ng seminar during bakasyon ng mga bata. Kaso lang may mga gagastusin yan so siguro gastusan ng gobyerno yan,” saad ni Pacquiao.
Kabilang din anIya sa posibleng gawin ay ang limitahan ang bilang ng mga estudyante sa bawat klase upang mas makapagpokus ang mga guro at estudyante sa kanilang aralin.
“Problema kasi dito sa atin, dapat sa classroom nasa 30-32 students lang, nangyayari ngayon nasa 60-100 hindi na kaya ng isang teacher na turuan lahat. Siguro the more na kokonti ang mga estudyante the more na matututo sila,” paliwanag pa ng senador.
Aminado naman ang mambabatas na malaki rin ang kakulangan ng bansa sa mga silid-aralan na dapat anyang solusyunan ng gobyerno.
481