Kumikita na sa ilegal channel, nakaiwas pa sa buwis ABS-CBN ‘TUBONG LUGAW’

DOBLE-DOBLENG kita ang kinakamal umano ng ABS-CBN dahil sa kanilang illegal channels bukod pa sa nakaiwas ang mga ito sa pagbabayad ng tamang buwis noong 2018.

Sa pagdinig ng House committee on legislative franchise at good government and public accountability, sinabi ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta, siyang tumayong ‘main oppositor’ sa prangkisa ng nasabing network, doble ang kita ng network sa kanilang tv plus box at kapamilyang box office channel.

“Multiple channels in one franchise. Mga kababayan, inabuso po ng ABS-CBN ang kanilang prangkisa. Sa hindi po nila maipaliwanag na dahilan o maaaring sinadya namang gamitin ang kanyang prangkisa para sa isang channel lamang pero gumamit pa ng ibang prangkisa ng telecommunication na hindi naman pang-broadcast upang mas kumita at makapagbenta ng mas maraming channels,” ani Marcoleta.

Iginiit ng mambabatas na nilabag ng ABS-CBN ang ‘terms and condition’ ng kanilang prangkisa nang mag-offer ang mga ito ng tv plus box na pinabayad sa mga subscribers at sinisingil pa nila ang mga tao sa mga pelikulang ilalabas sa KBO channel.

“Tubong lugaw ika nga,” ani Marcoleta dahil “bukod sa pagbebenta ng TV plus box sa publiko sa kapamilya box office na nakapaloob dito, ay nagawa pang maningil ng ABS-CBN sa bawat pelikulang gustong mapanood ng publiko sa KBO channel.”

Hindi umano ito ipinaalam ng ABS-CBN sa Kongreso na siyang nagbigay ng libreng prangkisa at maging sa National Telecommunications Commission (NTC) subalit ginawa pa rin aniya ito ng nasabing network na isang paglabag sa kanilang prangkisa.

“Ibinenta na nga ang TV plus box, ibinenta pa rin ang mga palabas na puwedeng mapanood sa TV plus box.

Dobleng kita o tubong lugaw na po ito.Hindi po saklaw ang mga ito sa prangkisa na ipinagkaloob ng Kongreso sa ABS-CBN,” ayon pa sa mambabatas.

“ABS-CBN also violated the term and condition of its franchise by engaging in tax avoidance schemes which deprived the government of much needed revenue. It used its owned subsidiary, Big Dipper Digital Content and Design Inc., a PEZA-registered company as tax shield, its main customer is ABS-CBN Hungary and because of this unconscionable tax avoidance scheme, ABS-CBN’s alleged effective tax rate in 2018 was at negative five percent. This means that ABS-CBN managed to avoid paying taxes in 2018,” pagbubunyag pa ni Marcoleta.

Taliwas aniya ito sa kaso ng GMA-7 na hindi kasing laki at kasiyang yaman ng ABS-CBN subalit nagbayad umano ng P1.6 bilyon noong 2018.

“Bakit naman nakalibre ang ABS-CBN noong 2018 sa negative income tax nila na P84 million? Ibig sabihin nito ay may ‘tax credit’ pa ang ABS-CBN at ang gobyerno pa ang lumalabas na may utang dito. Wala pong pagkakaiba ito mga kababayan sa isang taong nangutang sa tindahan binigyan pa ito ng sukli,” ani Marcoleta.

Noong 2019 din aniya ay nagbayad ng tamang buwis ang nasabing network nang pumasok ito sa isang compromise agreement sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kung saan pinabayad lang ang nasabing network ng P152 Million na katumbas ng 40% sa dapat sanang bayaran ng mga ito sa gobyerno.

“Bakit po ganun, hindi ba nasa prangkisa ng ABS-CBN na dapat bayaran nila ang rightful taxes? Kinakailangan bang sila ay ihabla pa ng BIR bago sila magbayad, kahit settlement lamang?,” ani Marcoleta.

Idinagdag pa nito na ginagamit umano ng ABS-CBN ang “Lingkod Kapamilya” bilang ‘tax shield’ upang hindi magbayad ng tamang buwis. BERNARD TAGUINOD

67

Related posts

Leave a Comment