Kumilos na kaya ang DOTr? SOLON: UPAHAN, AYUDAHAN ANG MGA TSUPER

KIKILOS na kaya sa pagkakataong ito ang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) sa panawagan ni Senadora Grace Poe hinggil sa pagtulong ng kagawaran sa mga tsuper ng mga dyip?

Sumulpot ang importanteng katanungang ito nang manawagan si Poe sa pamunuan ng DOTr, sa pangunguna ni Kalihim Arthur Tugade, na upahan at ayudahan ang mga tsuper ng dyip na sumunod naman sa mga alituntunin at kahilingan ng pamahalaan sa magiging itsura at sistema ng mga bibiyaheng pampublikong sasakyan ngayong hindi pa rin natutuldukan ang suliranin ng bansa sa coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ang malasakit ni Poe sa mga drayber ng dyip ay may kinalaman sa pagpasa ng Kongreso sa panukalang batas na Bayanihan to Recovery as One,” ang batas na magpapalawig sa orihinal na Bayanihan to Heal as One Law ng tatlong buwan pa uli hanggang Setyembre 24.

Sa Hunyo 24 magtatapos ang bisa ng umiiral na Bayanihan Law.

Nagsimula na ang “general community quarantine” (GCQ) nitong Hunyo 1 matapos ang “modified enhanced community quarantine” (MECQ) mula Mayo 16 hanggang Mayo 31 at ang ECQ nitong Mayo 15 na nagsimula noong Marso 17 sa National Capital Region (NCR) at iba pang rehiyon sa Luzon ay hindi pa rin natatanggap ang P5,000 hanggang P8,000 ayudang pinansiyal ng 435,619 drayber ng dyip sa Luzon.

Ang nasabing pera ay ipinangako ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) noong mayroon pang ECQ sa Luzon.

Ang LTFRB ay ahensiya ng DOTr.

Hindi rin malinaw kung ano ang nangyari sa P17 bilyong pondo ng DOTr sa mga proyekto nito ngayong 2020 na ipinanawagan noon ni Poe na gamitin na lamang bilang ayuda sa mga tsuper ng mga pampublikong transportasyon mula Luzon hanggang Mindanao.

Hinggil sa parte ng mga drayber ng dyip sa mungkahing Bayanihan to Recover as One Law, idiniin ni Poe na kailangang madagdagan ang mga masasakyan ng mga manggagawa papasok sa kani-kanilang trabaho at pauwi araw-araw.

Kapos din ang bus, ayon kay Poe dahil 90 bus pa lamang ang pinayagan na pumasada sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), samantalang 3,500 bus noong bago isailalim ang Luzon sa ECQ.

Limitado rin ang bilang ng taxi at TNVS tulad ng Grab na pinayagan ng LTFRB na bumiyahe.

Tinumbok ni Poe na “[a] line on the Department of Transportation spending should state that it will prioritize hiring of additional shuttles during our transition process into an eased quarantine.”

Iginiit din ni Poe sa DOTr na pinamumunuan ni Tugade na dapat “directly subsidize drivers and buses and jeepneys that [the DOTr] will [be] allow[ed] to be back on the road.”

Kapag nangyari ito, pihadong susunod at ipatutupad ng mga tsuper ang social distancing measures na tinakda ng batas nang hindi binabalewala ang pampinansiyang pangangailangan ng mga tsuper, patuloy ni Poe.

Umaasa si Poe na totoong mabibigyan ng ayuda ang mga drayber dahil nakarating sa kanyang kaalaman na napakarami sa mga ito ang hindi pa nakatatanggap ng ayudang P5,000 hanggang P8,000 hanggang ngayong Hunyo.

Panay paglista ng pangalan ng mga drayber ng dyip ang nangyari, ayon sa tanggapan ni Senadora Poe. NELSON S. BADILLA

74

Related posts

Leave a Comment