Kumpiskadong langis bumabalik lang sa merkado OIL SMUGGLERS PINANGALANAN SA SENADO

(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

NANINIWALA si Senador Raffy Tulfo na naibabalik sa merkado ang mga smuggled na langis na nakukumpiska ng Bureau of Customs.

Kasabay nito, pinangalanan din ni Tulfo ang mga natukoy niyang oil smugglers.

Sa pagdinig ng Senate committee on energy, tahasang tinanong ni Tulfo si BOC Special Agent Anthony Escandor kung ano ang kanilang ginagawa sa mga nasasabat na smuggled oil.

Ayon kay Escandor, mayroon silang 2.1 million liters ng langis na nasabat.

Kabilang dito ang 36,750 litro ng diesel na kanilang naidonate sa Philippine Coast Guard habang nasa 10,669 liters naman ang idineklara nilang for official use.

Gayunman, piniga ni Tulfo si Escandor kung ano ang ginagawa sa iba pang nasabat.

Sinabi ni Tulfo na hindi siya masagot nang direkta ng resource person dahil ang totoo ay ibinebenta uli ito.

Kabilang naman sa mga sinasabing oil smugglers ang mga negosyante na sina Don Rabonza mula sa Navotas; Sonny Qui, Jackie Chu, Aron Uy at Lindon Tan na nag-ooperate mula Batangas at

Sariaya, Quezon; Alex Chua, Bogs Violago at Jong Mangundadatu at Dondon Alahas mula sa Mariveles, Bataan.

Sinabi ni Tulfo na ang mga pangalang ito ay kasama na sa radar ng BOC at nakapagtatakang hindi nahuhuli ang mga ito.

Ibibenta sa Kadiwa

Samantala, nababahala ang isang dating mambabatas dahil mistulang inilalagay aniya ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa panganib ang buhay ng mahihirap sa rekomendasyon ng mga ito na ibenta sa Kadiwa ang mga nakumpiskang smuggled sugar.

Reaksyon ito ni dating Congressman Rafael Mariano matapos irekomenda umano ni SRA administrator David Alba kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibenta sa mga Kadawi store ang mga nakumpiskang asukal.

“Hindi dumaan sa sanitary at phytosanitary inspections ang mga kontrabadong ito tapos gustong ibenta ng SRA. Paano makakasiguro ang publiko na ligtas ang mga kontrabandong asukal?,” tanong ni Mariano.

Mahihirap ang karaniwang pumipila sa mga Kadiwa Center o stores nagbebenta ng mga murang pagkain kaya kung hindi ligtas ang smuggled na asukal ay hindi malayong malagay sa panganib ang kanilang kalusugan.

“Ang dapat gawin ng DA ay hulihin ang mga untouchable na smugglers na kilala din naman nila,” ayon pa sa chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Dismayado rin ang mambabatas dahil sa kabila sa pag-aangkat ng asukal ay hindi pa rin bumababa ang presyo nito sa merkado kundi tumataas pa.

Noong huling bahagi aniya ng 2022 ay umabot sa P100 ang kada kilo ng asukal kahit umangkat ang DA ng 150,000 metric tons at nagsimula na ang harvest at milling season.

Lalong tumaas ito ngayong buwan na umaabot sa P110 kada kilo kahit dumating na ang inangkat na asukal kaya muling napatunayan na tanging importers aniya ang nakikinabang at hindi ang mga consumer.

21

Related posts

Leave a Comment