Kung walang ayuda sa gobyerno MGA PRIBADONG PAARALAN, MAGSASARA

NAGBABALA si Senador Win Gatchalian na posibleng magsara ang mga pribadong paaralan kung hindi mabibigyan ng ayuda ng gobyerno sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Iminungkahi ni Gatchalian na gawing bahagi ang mga guro at kawani ng mga pribadong paaralan sa Small Business Wage Subsidy o SBWS na programa ng Department of Finance o DOF.

Sa ilalim ng programa, bibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 ang mga empleyado ng maliliit na negosyong apektado ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Isinusulong din ni Gatchalian ang pagpapalawig sa programang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education o GASTPE na nabuo sa pamamagitan ng Republic Act 6728 o GASTPE Act.

Layunin naman nito na bigyan ng tulong pinansyal ang mga mag-aaral at guro upang maiwasan ang pagsikip sa mga pampublikong paaralan sa sandaling lumipat dito ang mga batang hindi na mae-enroll ng magulang sa private school.

Ipinaliwanag pa ni Gatchalian na kapos ang kakayahang pinansyal ng mga pribadong paaralan upang mapanatili ang kanilang operasyon, pati na rin ang patuloy na pagpapasahod sa mga guro at kawani.

Kung magsara ang mga paaralang ito dahil sa patuloy na pagkawala ng kita, mawawalan o maghahanap ng ibang trabaho ang mga guro at kawani.

Maaaring magdulot ito ng kakulangan ng guro sa bansa at mapipilitan naman ang mga mag-aaral na lumipat sa mga pampublikong eskwelahan, kung saan suliranin ang ‘di sapat na bilang ng mga silid-aralan. (DANG SAMSON-GARCIA)

83

Related posts

Leave a Comment