(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
KUNG walang halong pulitika ang mga pagpuna sa confidential at intelligence funds ni Vice President Sara Duterte, bakit hindi rin punahin ang katulad na pondo sa Office of the President.
Ito ang tila hamon ng dating tagapagsalita ni former president Rodrigo Duterte sa mga umaatake sa hirit ng CIF ng bise presidente.
Ayon kay Harry Roque sa kanyang programa sa SMNI, higit na malaki ang halaga ng CIF ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngunit wala aniyang nagsasalita para busisiin din kung saan ito gagamitin.
Kasabay nito ang paglalabas ng sentimyento ni Roque sa liderato ng Kamara kung bakit pinakinggan aniya ang Makabayan bloc na numero unong kritiko ng confidential at intelligence funds ni Duterte.
Matatandaang P10.14 bilyong ang hininging CIF ni Marcos para sa susunod na taon.
Nauna nang iginiit ng Makabayan bloc na hindi lamang ang mga ahensya ng gobyerno na walang kinalaman sa seguridad ng bansa ang dapat tanggalan ng CIF kundi maging ang Office of the President (OP).
Hirit ng grupo, dapat ilipat sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang CIF ng mga ahensya ng gobyerno kasama na ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
“Nasa P10.134 bilyon ang kabuuang confidential and intelligence funds (CIF) sa panukalang 2024 budget, kung saan halos kalahati (P4.56 bilyon) ay nasa Office of the President,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Hindi aniya dapat exempted si Marcos Jr., sa pagtatanggal o pagbabawas ng CIF dahil maraming serbisyo ang isinasakripisyo sa ganitong uri ng pondo na hindi alam ng mga tao kung papaano at saan ginagastos.
Isang ‘House insider’ naman ang nagpalutan na may sabwatan umano para sirain si Duterte sa pag-asang maiangat ang popularidad ni House Speaker Martin Romualdez.
Hindi naniniwala ang nasabing insider na katotohanan lang ang nais ng mga nag-iimbestiga sa pondo ng mga tanggapan ni Duterte.
Aniya, matagal nang naobserbahan ang pakikipagkaisa ni Romualdez sa magkaibang panig sa Kamara (mayorya at minorya) at ito ay para mapatatag ang kanyang ambisyon sa 2028 presidential elections.
Maging sa social media ay ganito rin ang paniwala ng mga netizen.
May mga nagsabing hindi lang pwersa ng Kamara ang ginagamit ni Romualdez kundi maging mga ‘troll’ para mawalan ng kumpiyansa ang mamamayan kay Duterte.
