(NI BERNARD TAGUINOD/PHOTO BY RAFAEL TABOY)
HINDI lang ang mga magsasaka ang lugi sa Rice Tariffication Law kundi ang mga consumers dahil ang pangakong bababa ng P7 ang bawat kilo ng bigas lalo na ang commercial rice ay hindi natupad.
Ito ang nabatid kay dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao kaya nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag kaligtaan ang mga magsasaka sa kanyang State of the Nation Address (SONA), bukas ng hapon.
Ayon kay Casilao, bagama’t bumaha na ng imported ng bigas sa bansa dahil sa Republic Act (RA) 11203, P1 hanggang P2 lamang umano ang ibinaba ng presyo nito kada kilo.
“This is about a quarter of the expected P7/kg price reduction of commercial rice as one of the alleged beneficial effect of the implementation of the rice liberalization law,” ani Casilao.
Dahil dito, kailangan iutos umano ni Duterte sa kanyang SONA ang agarang pag-amyenda sa nasabing batas upang isalba ang rice industry ng bansa dahil luging-lugi na aniya ang mga magsasaka at wala pang pakinabang ang mga consumers dito.
DAGDAG SAHOD, WAKASAN ANG ENDO, ITIGIL ANG EJK…WISH SA SONA
Idinadalangin naman ng mga militanteng mambabatas na pagtuunan ni Duterte sa kanyang SONA ang sitwasyon ng mga karaniwang Filipino na sumisigaw ng dagdag na sahod, wakasan ang End of Contract Scheme o Endo at ExtraJudicial killings.
“Gusto namin yung salary increase at seryosohin ang anti-Endo,” ani ACT Teacher party-list Rep. France Castro na sinusugan naman ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite.
“Ititigil ang EJKs, iligal na pag-aresto at ibang porma ng karahasan,” dagdag pa ni Gaite ukol sa mga nais umano ng mga ralyista na marinig sa SONA ni Duterte ngayong hapon sa Batasan Pambansa.
TAPANG SA SOBERENYA
Nais din ng dalawang mambabatas na magpakita ng tapang si Duterte sa pagkakataong ito sa usapin ng soberenya ng Pilipinas sa West Philippine Sea na harap-harapang inaangkin ng China.
“Sana may pagbabago sa kanyang policy sa WPS na mas pabor sa mga Filipino,” ani Castro dahil kung hindi umano ay tuluyang mawawala ang nasabing teritoryo sa mga Filipino.
Kamakailan ay inamin ni Duterte na binigyan niya ng fishing rights ang China sa WPS bagay na ikinaalarma ng ilang mambabatas tulad ni Magdalo party-list Rep. Manuel Cabochan III dahil tuluyang maagawan ng pagkain ang mga Filipino ng China.
PUWERSA CHA CHA AT MARTIAL LAW
Ayaw na ayaw din umano ng mga rallyista na marinig kay Duterte ang usapin ng pagpapalawig pa ng Martial Law sa Mindanao lalo na’t may mga usapin umano ng suicide bombing.
Ang Martial Law sa Mindanao ay mananatili hanggang sa Disyembre 31, 2019 subalit natatakot si Castro na muling talakayin ito ni Duterte sa kanyang SONA para palawigin pa ito hanggang matapos ang kanyang termino.
Maging ang Charter Change (Cha Cha) ay ayaw na ayaw umanong marinig ng mga ralyista dahil wala umanong pakinabang dito ang mga Filipino bagkus ay magbibigay lang umano ito ng pagkakataon sa China na tuluyang pasukin ng walang sagabal ang Pilipinas.
157