LAGUNA LAKE DAPAT NANG HUKAYIN PARA IWAS-BAHA

0

ISANG dekada makaraang pagtibayin ng Korte Suprema ang desisyong ibasura ang bilyong dolyar na halagang Laguna de Bay dredging project, nanawagan ang isang alkalde sa lalawigan ng Laguna na ituloy na ang proyekto sa hangaring maiwasan ang pagbaha sa kanilang lalawigan, partikular sa lungsod ng Biñan.

Ayon kay Biñan City Mayor Arman Dimaguila, lubhang maliit na ang kapasidad ng lawa kaya naman umaapaw na ito sa tuwing may matinding pagbuhos ng ulan.

Bukod sa Biñan, malaking bahagi ng Laguna ang napaulat na lubog sa baha dulot ng bagyong Jolina.

Ani Dimaguila, sukdulang dusa ang inaabot ng mga residente sa kanilang mga lakeshore barangays dahil inaabot umano ng tatlong buwan bago humupa ang tubig sa mga nasabing lugar na malapit sa mismong Laguna de Bay.

Nito lamang nakaraang Miyerkules, binayo ng walang tigil na buhos ng ulan ang mga lalawigang nakapalibot sa Laguna de Bay – dahilan upang bumaha ang maraming baybaying lokalidad sa nasabing rehiyon. Kabilang sa mga lubhang naapektuhan ay ang mga lakeshore municipalities.

Sa lungsod ng San Pedro, hanggang dibdib ang naitalang lalim ng pagbaha sa 10 barangay nito.

“Hangga’t hindi dine-dredge ng national government ang Laguna Lake para tumaas ang capacity niya mag-stock ng tubig, lagi ganito ang mangyayari sa Biñan at mga karatig-bayan,” bunton ni alkalde na pagtukoy sa multi-billion dollar dredging project na una nang ibinasura ng noo’y Pangulong Noynoy Aquino at kalaunan ay pinagtibay pa ng Korte Suprema.

Gayunpaman, hindi lamang dredging ang nakikitang solusyon ng mga environmental groups. Anila, mas mainam na solusyon sa pagbaha ay ang pagtatanim ng puno sa mga kinalbong kabundukan sa paligid ng lawa at ang maayos na solid waste disposal system ng bawat lokalidad. (CYRILL QUILO)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment