LAPTOP NG DEPED IBINEBENTA NA?

IMBES na ginagamit ng public school teachers, nasa mga retail store ang mga laptop ng Department of Education (DepEd) para ibenta at mabayan ang mga kanilang mga kontraktor.

Ito ang nabatid kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel matapos matuklasan ng mga ito na ibinebenta na sa retail stores sa Cebu at Rizal ang mga DepEd laptop.

“These laptops were apparently sold in order to mitigate losses incurred by DepEd’s logistics contractor, which has not received payment from DepEd for the services it rendered,” ayon sa mambabatas.

Ayon sa mambabatas, binili ang mga laptop na ito para may magamit ang public school teachers sa kanilang pagtuturo lalo na noong panahon ng pandemya kung saan online ang klase.

Gayunpaman, hindi umano naibigay ang mga laptop na ito sa mga guro at nakababahala aniya na ibinebenta na ito sa mga nabanggit na lalawigan.

“Nakakabahala na naglaan ng 667 milyong piso para sa pamamahagi ng laptops na sobrang kailangan ng mga guro lalo noong kasagsagan ng pandemya. Pero kung saan-saang lupalop nakarating ang mga laptop na dapat hawak ngayon ng mga guro,” ayon pa sa kongresista.

Kailangang imbestigahan aniya ang bagay na ito at panagutin ang mga dapat managot sa eskandalong ito sa sektor ng edukasyon.

Idinulog na umano ang bagay na ito sa DepEd na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte subalit wala pang tugon ang ahensya.

“This is another scandal concerning procurement and delivery of laptops to basic education institutions,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

200

Related posts

Leave a Comment