LEGALIDAD NG ANGKAS NAUNGKAT

angkas44

Solon nilinaw na wala pang batas para sa motor taxis

WALA pang batas na nagbibigay ng karapatan sa mga motorcycle taxi tulad ng ino-operate ng Angkas na mamasada.

Ito ang napag-alaman kay PBA party-list Rep. Jericho Nograles matapos hindi aksyunan ng Senado ang kanilang counterpart bill na magbibigay ng kaparatan na gawing public utility vehicle (PUV) ang mga motorsiklo.

“Ang legal status ng motorcycle for hire ay wala pa talaga silang totoong prangkisa at nasa test mode pa sila,” ani Nograles.

Ngayong 18th Congress ay may 14 panukalang batas na nakahain sa Kamara para gawing PUV ang mga motorcycle taxi subalit hindi pa rin ito isinasalang sa pagdinig sa House committee on transportation.

Dahil dito, dapat aniyang magpasalamat ang Angkas sa gobyerno dahil pinayagan ang “test mode” sa kanilang hanay kaya nakapamasada ang mga ito subalit wala silang karapatang magreklamo kung binawasan man ang kanilang puwersa.

“May legal basis ba na bawasan ng gobyerno ang mga test vehicle? Ang sagot ko dyan, yes, may legal basis ang gobyerno dahil wala pang karapatang mag-operate ang motorcycle for hire,” ani Nograles.

Kailangan din aniyang sumunod ang Angkas sa patakarang itinakda ng gobyerno tulad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung ayaw ng mga ito na magmulta ng P6,000 kada araw sa bawat motorsiklo na mamamasada.

“Kailangan sundin ang patakaran ng testing o piloting dahil kung hindi nila susundin yan, maaaring multahan sila ng LTFRB ng P6,000 kada motorsiklo kada araw,” babala pa ng mambabatas.

Iginiit din ng mambabatas na kailangang tiyakin na ang motorcycle for hire apps ay pagmamay-ari ng Filipino ang 60 porsyento upang hindi malabag ang batas.

‘DIRTY TACTICS’

Mistulang gumagamit ng “maruming taktika” ang Angkas motorcycle taxi service nang akusahan ng pangkat ng mga abogado ang Department of Transportation – Technical Working Group (DOTr – TWG) na nagkakapera sa pamamahala ng ahensiya sa pagpapasok ng mga kumpanya para sa serbisyong motorcycle taxi.

Napansin ng DOTr – TWG ang maruming diskarte ng Angkas nang ihayag kamakailan ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) na maghahain ng “class suit” ang motorcycle riders na kabilang sa Angkas laban sa DOTr – TWG hinggil sa umano’y korapsyon sa tatlong buwang ekstensiyon ng pilot study para sa motorcycle taxi.

Ang “dirty tactics” ay kadalasang ginagawa ng isang organisasyon o pangkat ng mga tao upang wasakin ang pangalan at kredebilidad ng kanilang kalaban magwagi lamang sa pinasok na laban.

Natapos nitong Disyembre ang anim na buwang pilot test study ng DOTr – TWG na nakopo ng Angkas.

Nagpasya ang DOTr – TWG na palawigin pa ito ng tatlong buwan.

Sa pagpapalawig na ito, pinayagan ng DOTr – TWG at ng LTFRB na makapasok ang JoyRide at Move It upang masunod at maisakatuparan ang mga batas patungkol sa pampublikong sasakyan at charter ng LTFRB na nagbabawal sa monopoly sa pampublikong transportasyon, diin ng DOTr kamakailan.

Dito nagalit ang Angkas dahil matatamaan at mawawalan ng kabuhayan ang mahigit 20,000 umanong kasapi ng nasabing kumpanya.

Sa desisyon ng DOTr – TWG na itigil ang monopolyo ng Angkas, nagpakawala ang abogado ng Angkas na LCSP ng isyung korapsyon laban sa DOTr – TWG.

Nabatid ng Saksi Ngayon, sinisipat nang mabuti ng DOTr – TWG ang hindi pagpaparehistro ng lahat ng kasapi ng Angkas.

Idiin ng DOTr – TWG na hindi ito natatakot at susuko sa inihahandang mga kaso ng LCSP para sa Angkas laban sa mga opisyal ng ahensiya.

“[DOTr – TWG] is not deterred by threats of lawsuits and charges of corruption,” tugon ng ahensiyang pinamumunuan ni Antonio Gardiola Jr.

Si Gardiola ay opisyal din ng LTFRB.

Ang resulta ng pag-aaral ng DOTr – TWG ay ipapasa sa Kongreso upang maging batayan sa ipapasang panukalang batas tungkol sa operasyon ng motorsiklong taksi bilang ‘alternatibong’ pampublikong sasakyang pangmasa. (BERNARD TAGUINOD at NELSON S. BADILLA)

247

Related posts

Leave a Comment