LEGALIDAD NG MIF KUKUWESTIYUNIN SA SC

(BERNARD TAGUINOD)

IKINOKONSIDERA ng mga anti-Maharlika Investment Fund (MIF) na kuwestiyunin sa Supreme Court (SC) ang legalidad ng nasabing panukala na ipinasa at niratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso noong Miyerkoles ng gabi.

Ito ang nabatid kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas matapos pagtibayin ang kontrobersyal na panukala na pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kailangan para tuluyang maging batas.

“Isa ‘yan (kukuwestiyunin sa SC) sa aming option,” ani Brosas sa press conference subalit hindi pa masabi ng mga ito kung anong mga probisyon sa MIF ang posibleng labag sa Saligang Batas dahil wala pang hawak ang mga ito na kopya ng panukala.

Luging-lugi Pinoy

Sa kanyang manifestation nang isalang sa ratipikasyon ang nasabing panukala sa Kamara, sinabi ni Brosas na luging-lugi ang sambayanang Pilipino sa MIF dahil isusugal ang pera ng mga ito at kapag natalo ay walang pananagutan si Marcos o sinomang mga opisyal ng itatatag na Maharlika Investment Council (MIC).

“Marcosian na pagsusugal ito ng pondo ng bayan para sa pribadong ganansya, sa panahong lubog pa rin ang milyun-milyong Pilipino sa mababang pasahod, gutom at kahirapan. Kalahating trilyon ang isusugal at isesentralisa sa Maharlika Investment Corp. pero kapag nalugi, walang mananagot sa pamahalaan. Taumbayan ang papasan ng lugi at nawaldas na pondo ng mamamayan,” ani Brosas.

“Sa Maharlika Investment Fund, para nating pinangsusugal ang pera na tinabi ng mga magulang para sa edukasyon ng kanilang mga anak. Para nating nilulustay ang pera ng mga ordinaryong Pilipino na dapat sana’y ginamit na lang para sa kanilang direktang pakinabang,” dagdag pa ng mambabatas.

Naglokohan lang?

Sa panig naman ni ACT party-list Rep. France Castro, sinabi nito na mistulang naglokohan lang sa MIF dahil bagama’t idinaan ito sa public hearing, pinagdebatehan at nagkaroon pa ng amendments ay ang kagustuhan pa rin ni Marcos ang nasunod.

“Nagdebate at nag-amendments pa pero ang sinusunod pa din ay ang gusto ng Palasyo pero nakasasama naman sa interes ng mas malawak na sambayanang Pilipino,” ani Castro.

Dahil dito, nabalewala lahat aniya ang pagsisikap ng mga mambabatas na maitama ang nasabing panukala at hindi maabuso ni Marcos.

Kayang tumayo sa korte

Kaugnay nito, nanindigan si Senate President Juan Miguel Migz Zubiri na malulusutan ng inaprubahan nilang Maharlika Investment Fund o MIF bill maging ang pagbusisi ng Korte Suprema.

Katunayan, maaari pa anyang ipaglaban sa Plaza Miranda ang kanilang MIF bill dahil sa dami ng safeguards na ikinatuwa maging ng minority bloc sa Senado.

Sa kabila nito, aminado si Zubiri na kahit gaano kaganda ang kanilang panukala ay mayroon at mayroong kukuwestyon nito sa Korte Suprema.

Kung mangyari anya ito ay tiwala siyang malulusutan ng panukala ang anomang kwestyong legal.

Samantala, nilinaw ng Senado na pre-bicam lamang at hindi pormal na bicam meeting ang nangyaring pagpupulong kahapon ng mga senador at kongresista para sa panukala.

Ito ay dahil nagdesisyon na agad ang Kamara na iadopt na buong bersyon ng Senate bill kaya’t hindi na rin kinailangan ng ratipikasyon ng dalawang kapulungan.

Ipinagtataka naman ito ni Senate Minority Leader Koko Pimentel dahil bago siya umalis sa pulong kahapon ay pinalagda siya sa isang bicam report kung saan inilagay pa niya na siya ay tutol sa panukala. (May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

61

Related posts

Leave a Comment