ITINALAGA na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs si Leni Robredo.
“I am pleased to transmit herewith your designation letter, signed by President Rodrigo Duterte, as co-chairperson of the inter-agency committee on anti-illegal drugs,” ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa memorandum, na isinapubliko ngayong Martes.
Gayunman, tahimik pa ang kampo ni Robredo kung tatanggapin ang alok sa bagong posisyon.
Maaalalang sinabi ni Duterte sa isang talumpati na gusto niyang bigyan si Robredo ng anim na buwan ng law enforcement powers.
Ang hakbang ng Pangulo ay base sa pahayag ni Robredo na palpak ang administrasyon sa giyera sa droga.
Sinabi naman ni Panelo na nararapat lang tanggapin ni Robredo ang hamon dahil ito na umano ang pagkakataon na maipakita kung paano ang tamang pagsugpo sa illegal na droga.
Samantala, sinabi naman ni Aaron Aquino, director-general ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na susuportahan niya si Robredo sa pagkatalaga nito sa anti-illegal drug committee.
Hangad din ni Aquino na tanggapin ni Robredo ang alok ni Duterte, na makakatulong umano sa kampanya kontra droga.
261