SINUPALPAL ni House Speaker Alan Peter Cayetano sina Vice President Leni Robredo at Sen. Grace Poe matapos nilang sabihin na may chilling effect sa mga mamamahayag at freedom of expression ang pagpatay ng Kamara sa prangkisa ng ABS-CBN.
“This is completely false,” ani Cayetano sa kanyang Facebook page bilang tugon sa pahayag nina Robredo at Poe kaugnay ng naging desisyon ng House committee on legislative franchise sa franchise application ng nasabing network.
“Again, I invite both the Vice President and our good Senator to read the decision, rewatch the hearings, and maybe come to understand that not breaking the law is not the same as obeying it,” hamon pa ni Cayetano.
Pero inayunan ni Cayetano ang komento ni Poe na magkakaroon ng precedent sa ibang nag-a-apply ng renewal ng kanilang prangkisa, lalo na kapag umabuso ang mga aplikante.
“I agree with Sen. Grace Poe that the denial of the Lopez’s franchise application for ABS-CBN sets a precedent.
And it is precisely the precedent we want to make – that the House of Representatives will never tolerate anyone, including oligarchs, who will abuse the system and cheat both the government and our people. So that this is clear, I ask that she please read the Committee’s findings and the decision,” ayon pa kay Cayetano.
Napatunayan umano sa pagdinig ng Kamara na maraming batas ang nilabag ng ABS-CBN kaya nagpasya ang 70 congressmen na hindi na ito bigyan ng panibagong prangkisa.
Wala rin umanong kinalaman ang desisyon ng Kamara sa matapang na reporting ng ABS-CBN sa pagpatay sa prangkisa ng mga ito dahil maging ang ibang istasyon tulad ng GMA-7 at TV5 ay matatapang din subalit binigyan ng Kamara ng panibagong prangkisa dahil hindi lumalabag ang mga may-ari nito sa batas tulad ng election law at hindi naglalaro bilang Kingmaker o kaya Kingslayer tuwing halalan.
“I only hope that despite being the beneficiary of the network’s support – much like the Vice President did – you will still join us in fighting for what is right,” hamon pa ni Cayetano sa bise presidente.
Magugunita na isa sa nilalaman ng Technical Working Group (TWG) Resolution ay ang pagiging political bias ng ABS-CBN lalo na noong 2016 election kung saan inilalabas ng network sa lahat ng kanilang programa sa prime time ang mga interview ni Robredo bagay na hindi nagawa sa kanyang mga kalaban sa vice presidency.
“Chill ka lang Sen. Grace. Our Country is on the right Track,” ayon pa kay Cayetano. (BERNARD TAGUINOD)
39