LGUs, DSWD PINAKIKILOS; 4-M BAGS NFA RICE IBENTA SA MAHIHIRAP

nfa33

(NI NOEL ABUEL)

NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa mga local government units (LGUs) at Department of Social Welfare Development (DSWD) na tumulong sa pagbebenta ng murang bigas na nakaimbak lamang sa warehouses ng National Food Authority (NFA).

Ayon sa senador, dapat na samantalahin ng pamahalaan ang mahigit sa apat na milyong bag ng murang bigas na nasa warehouses ng NFA para ipakalat sa buong bansa at mapakinabangan ng mahihirap na pamilya.

“Emergency food situation tayo ngayon; ang ating magpapalay hirap sa murang presyo ng kanilang ani, ang mga consumers hirap din sa mahal na presyo ng kanilang pagkain. Kailangan nasa emergency mode din ang ating gobyerno,” sabi ng senador.

“Mas maiging palawakin ang pagbenta ng murang bigas. Bilhin na ng LGUs at DSWD sa NFA ang mga nakaimbak na bigas para ipamahagi sa mahihirap na pamilya o ibenta sa mas mababang halaga,” dagdag pa ni Pangilinan.

Paliwanag nito, sa oras na maubos ang NFA stocks ay makatutulong ito para mabili ang local rice ng mga magsasaka.

“This will also replenish our buffer stock with fresh stock. Pag na-unload yung present stocks through massive selling, tapatan din ng massive buying from local farmers,” ani Pangilinan.

Magugunitang noong nakalipas na pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food, inamin ni NFA Administrator Judy Dansal na ang apat milyon bags ng bigas na katumbas ng 290,000 metriko tonelada ay nakatago sa mga NFA warehouses.

Maliban pa dito, nakapag-import ang NFA ng 1.2 milyong metriko tonelada ngayon taon kung saan nasa 290,000 MT ang hindi pa nabibili.

134

Related posts

Leave a Comment