Libong obrero stranded sa lansangan KALBARYO SA 1ST DAY NG GCQ

DUMANAS ng kalbaryo ang maraming manggagawa na nagbalik sa kani-kanilang trabaho sa unang araw ng pag-iral ng general community quarantine sa Metro Manila at iba pang mga lalawigan dahil sa kakapusan ng masasakyan at matinding trapik.

Sa National Capital Region na itinuturing na sentro ng pandemya ay matinding pagdurusa ang inabot ng mga obrero makarating lang sa trabaho.

Pinangangambahang lalala pa ang sitwasyon kung patuloy na hindi papayagang bumiyahe ang mga jeepney na mas mura ang pasahe kumpara sa ibang uri ng transportasyon.

Ang pinapayagan pa lamang bumiyahe ay point-to-point buses, LRT at MRT, taxi at TNVS.

Bago pa sumikat ang araw ay marami nang nag-aabang na pasahero sa EDSA. Marami naman ang naglakad na lang sa kahabaa ng Marcos Highway.

Sa LRT-1 Roosevelt Station umabot hanggang EDSA ang pila ng mga pasahero dakong alas-7:00 ng umaga.

Ayon naman sa MRT-3, alas-7:19 ng umaga ay mayroon nang 20 tren ang operational.

JEEP POSIBLENG BUMIYAHE NA

Ito ang pahayag ng Department of Transportation kahapon kasunod ng nakitang suliranin ng mga manggagawa dulot ng kawalan ng masasakyan.

Dahil hindi sapat ang mass transport na pinayagang bumiyahe ay papayagan na umano ng DOTr na bumiyahe ang mga traditional jeep sa mga lugar na limitado ang modern PUVs.

Paglilinaw ng DOTr, inunang payagan ang mga sasakyang may mas mataas na capacity para sa physical distancing, cashless payment at contact tracing.

Ayon sa kagawaran, isang public health issue ang paglipat mula modified enhanced community quarantine patungong general community quarantine kaya’t mas prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero.

Batay sa inaprubahan ng Inter-Agency Task Force, mula Hunyo 1 hanggang 21 ay papayagan bumiyahe ang mga tren, bus augmentation, taxi at TNVS, shuttle services, bike at tricycle.

Sa Hunyo 22, papayagan na rin ang public utility buses, modern PUVs at UV Express.

Hiniling ng ilang militanteng mambabatas na payagan ang kahit 50 percent operation ng jeep at bus upang makatugon sa quarantine protocols dahil wala nang mapagkunan ng kabuhayan ang drivers at operators. JESSE KABEL

69

Related posts

Leave a Comment