(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL limitado ang kanilang income, kung mayroon man, isinusulog ngayon ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ilibre na sa kanilang pag-aaral ang mga People With Disabilities (PWDs) at kanilang mga anak.
Sa ilalim ng House Bill 4302, nais ni Quezon City Rep. Anthony Peter ‘Onyx’ Crisologo na amyendahan ang Republic Act (RA) 7277 o Magna Carta for Person With Disability upang maisingit ang probisyon na ilibre ang mga ito at maging ang kanilang mga anak sa pag-aaral.
“The limitations of PWDs usually result to insufficient resources that affect their lives and their families. Providing for, and preparing their, children’s future pose as constant challenges that need immediate action,” ani Crisologo sa kanyang panukala.
Base sa nasabing panukala, hindi lamang sa mga State Colleges University (SUCs) malilibre sa pag-aaral ang mga PWD at kanilang mga anak kundi maging sa mga Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) accredited school para sa mga vocational courses.
Ayon sa mambabatas, mahalagang magkaroon ng sapat na edukasyon at kaalaman ang mga PWDs at maging ang kanilang mga anak upang magkaroon ang mga ito ng maayos na hanapbuhay.
Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng educational assistance na ibibigay ng gobyerno o ng estado sa ito sa pamamagitan ng kaniyang panukalang batas kaya dapat aniyang maipasa ito.
“To ensure that all members of the community are productive, the government shall render educational programs for PWDs and their children designed to respond to their limitations to widen their opportunities for better life,” ayon pa sa mambabatas sa kanyang panukala.
265