(NI BERNARD TAGUINOD)
BILANG pagtanaw sa utang na loob sa mga matatanda sa kanilang kontribusyon sa bansa, ipinanukala ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ilibre ang mga ito sa pagpapaospital.
Gayunman, sa ilalim ng House Bill (HB) 3701 na iniakda ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo, tanging ang mga mahihirap na senior citizens ang ililibre sa pagpapaospital.
“This free hospitalization is a gesture of government that simply acknowledge how indigent senior citizens have worked hard and helped so much in nation building during their productive years,” ani Castelo sa kanyang panukala.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang lahat ng mga government hospital na huwag singilin sa pagpapaospital ng mga mahihirap na matatanda sa buong bansa lalo na’t pamahal na ng pamahal ang pagpapagamot.
Bagama’t may ayuda ang gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance (Philhealt) at mga charity mula naman sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay malaki pa rin ang ginagastos ng mga nagkakasakit na matatanda kapag naospital ang mga ito.
Marami umano sa mga mahihirap na matatanda ang nagtitiis na lamang dahil sa laki ng gastos sa ospital kahit sa mga public hospital lalo na sa mga gamot na kanilang kailangan.
Dahil dito, kailangan aniyang ilibre na ang mga mahihirap na matatanda kapag nagkasakit ang mga ito ay kailangan ng mga ito na maospital para maagapan ang kanilang sakit.
168