(NI BERNARD TAGUINOD)
MGA kasong walang piyansa at may parusang habambuhay na pagkakabilanggo ang nais ng ilang kongresista na isampa laban sa mga opisyales ng Philhealth kaugnay panibagong anomalyang kinasasangkutan ng ahensya.
Nais ni Senior Citizen party-list Rep. Franciso Datol na sampahan ng economic sabotage ang mga opisyales ng Philhealth at sa mga may-ari ng WellMed Dialysis Center habang si Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao ay plunder case ang iminungkahing kaso.
Pawang walang piyansa ang mga nabanggit na kaso at may parusang habambuhay na pagkakabilanggo kung saan nais din ng dalawa na huwag pagkalooban ng parole ang mga mapatutunayang guilty sa pagnanakaw sa pera ng mga Philhealth members.
Ginawa ng dalawang mambabatas ang pahayag matapos mabatid na P154 billion ang sangkot na halaga sa pagda-dialysis ng mga miyembro nito sa loob ng nakaraang apat na taon kaya posibleng hindi lamang ang WellMed ang sangkot sa ‘ghost dialysis”.
“The massiveness, elaborate, and conspiratorial nature of their crimes constitute economic sabotage because they can seriously impair the proper delivery of health security service to all Filipinos. This is why economic sabotage should be the charge and why those responsible must never get out of jail after final judgment of conviction,” ani Datol.
Dahil dito, sinabi ng mambabatas na kailangang ipahawak sa mga magagaling na prosecutors ang nasabing kaso upang masiguro na maparusahan ang mga nagnanakaw sa pera ng mga miyembro ng Philhealth kasabay ng panawagan sa media at taumbayan na huwag tantanan ang kasong ito.
Sa panig naman ni Casilao, sinabi nito na dahil sa laki ng halaga na sangkot, kailangang masampahan na ang mga sangkot ng kasong plunder na tulad ng economic sabotage ay walang piyansa at may parusang habambuhay na pagkakabilanggo.
Ayon kay Casilao, hindi makatarungan na patuloy na pagnakawan ang mga miyembro ng Philhealth kaya kailangang tapusin na umano ang katiwalian sa nasabing financial institution.
“Kawawa ang mga miyembro ng Philhealth na hulog ng hulog para may maasahan sila pagdating ng kagipitan, pero yun pala, ninanakawan sila ng harap-harapan,” ani Casilao.
115