LIFESTYLE CHECK SUNOD NA IKAKASA SA PNP

SASALANG sa lifestyle check ang may 956 Philippine National Police (PNP) senior officers na tutugon sa apelang paghahain ng courtesy resignation ng Department of the Interior and Local Government.

Ayon kay PNP chief Police General Rodolfo Azurin, dadaan sa lifestyle check ang mga police colonel at general bilang bahagi ng pagsisikap ng PNP na linisin ang organisasyon sa mga tiwaling opisyal na may kaugnayan sa kalakaran ng droga.

Ang lifestyle check ay bahagi ng pag-aaral na gagawin ng 5-man panel na siyang susuri sa mga rekord ng mga opisyal ng pulisya.

Ang desisyon ng panel ang pagbabasehan kung tatanggapin o ‌hindi ang pagbibitiw ng opisyal.

Maging si dating police general at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong ay nagpahayag na dapat maging bahagi ng proseso ng screening ang lifestyle check.

Naniniwala naman ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na mas mainam na kasuhan na lamang ang mga opisyal na sangkot sa illegal drug trade dahil ang pagpapa-resign sa mga ito ay maaaring lumikha ng demoralisasyon sa kanilang hanay.

Samantala, pinaghihinay-hinay ni Senator Christopher Bong Go ang binuong ‘five-man committee’ sa pag-evaluate ng mga opisyal ng PNP na nagsumite ng kanilang ‘courtesy resignation’.

Nababahala si Go na baka maulit ang nangyari noon na maraming nagsumite ng resignation at tinanggap agad pero hindi naman nabusisi nang husto.

Ayon kay Go, suriin at i-assess nang mabuti ang mga nagsumite ng kanilang resignation upang hindi naman masayang ang pinaghirapang career ng mga police officer. (JESSE KABEL RUIZ/DANG SAMSON-GARCIA)

122

Related posts

Leave a Comment