LISTAHAN NG PINALAYANG HEINOUS CRIME CONVICT, PINALALABAS

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINAMON ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso  ang Bureau of Correction (BuCor) ang pangalan ng mga bilanggong sangkot sa heinous crimes o karumaldumal na krimen na pinalaya dahil sa Republic Act (RA) 10952 o Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Ginawa ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap ang nasabing hamon sa Bucor matapos matuklasan ni Sen. Panfilo Lacson na maging ang 4 na Chinese drugs lord ay pinalaya dahil sa nasabing bantas.

“Ating tinatawagan ang Bureau of Corrections at Department of Justice na maging transparent sa buong proseso ng pagpapatupad ng RA 10952. Nararapat lamang na sila ay magrelease ng listahan sa awtoridad ng pangalan ng mga mapapalaya at kung ano ang basehan ng kanilang pagpapalaya,” ani Yap.

Ikinaalarma ng mambabatas ang maging ang mga dayuhang drug lord ay nakalaya at nabenepisyuhan sa nasabing batas gayung maraming buhay ang sinira ng mga ito dahil sa pagiging drug lord ng mga ito.

“Tayo ay nababahala sa maagang pagpapalabas ng mga na-convict na kriminal, na walang kasiguraduhang na sila ay dumaan sa tamang proseso ng pagbabago at  sila ay angkop na maibalik sa komunidad bilang maayos na mamamayan,” ani Yap.

Karapatan aniya ng mamamayan na malaman kung sino-sino ang mga napalayang bilanggo na nakagawa ng karumaldumal na krimen kaya nararapat umanong ilabas ito ng Bucor sa lalong madaling panahon.

Base sa mga report, 22,049 convict na umano ang nairelis ng Bucor mula 2013 hanggang 2019 dahil sa GCTA kung saan 1,914 dito ay nakagawa ng karumaldumal na krimen.

Kabilang na dito ang 274 na sangkot sa robbery with violence, 758 na nang-rape, 797 ang may kasong murder, 48 ang sangkot sa droga, 29 ang may kasong parricide, 5 ang kidnapper at 3 ang arsonist.

“Ngayon, mas lalong tumindi ang ating panawagan na madaliin ang pagbibigay aksyon sa ating isinumiteng House Resolution 280 na pag-aralan muli ang nasabing batas at magpasa ng amendments dito upang pagtibayin ito.
Ating  layunin na gawing mas ligtas ang mga komunidad mula sa krimen at iba pang banta ng panganib,” ani Yap.

 

 

182

Related posts

Leave a Comment