‘LIVE OUT’ SA PINOY DOMESTIC WORKERS IPINASUSULONG

Ni BERNARD TAGUINOD

Hiniling ng isang mambabatas sa gobyerno na isulong ang live-out arrangement sa mga Filipino domestic workers upang maiwasang maabuso ang mga ito ng kanilang mga amo.

Ginawa ng ACT-OFWs party-list group ang nasabing suhestiyon dahil ito ang nakikita nilang paraan upang makaiwas sa pang-aabuso ang mga Filipino workers na nagtatrabaho bilang mga kasambayan sa iba’t ibang bansa lalo na sa Gitnang Silangan.

“Many of our domestic workers overseas, especially in the Middle East, are prone to maltreatment because they live with their employers,” ayon sa nasabing grupo sa pamamagitan ng kanilang spokesman na si Franciso Aguilar Jr.

Base sa sistemang nais maipatupad ng nasabing grupo, pagkatapos ng 8 oras na trabaho ng mga domestic worker ay kukunin ang mga ito ng kanilang ahensya at dadalhin sa hiwalay na tirahang inilaan sa mga ito.

Sa pamamagitan nito umano ay magkakaroon ng sapat na pahinga at tulog na hindi tulad ngayon na obligadong magtrabaho ang mga ito ng mahabang oras dahil nakatira sila sa bahay ng kanilang amo.

Ihinalimbawa ng grupo ang sistema sa Japan na pagkatapos ng 8 oras na pagtatrabaho sa bahay ng mga Hapon ay uuwi na ang mga ito sa kanilang hiwalay na tirahan.

Nais ng nasabing grupo na maipatupad din ang sistemang ito sa mga bansang maraming kababayan ang nagtatrabaho tulad ng Saudi Arabia upang hindi sila maabuso ng kanilang mga amo.

Ang mga ahensya ang magbabayad sa tirahan ng mga Filipina domestic helpers sa kanilang kinaroroonang bansa upang hindi na gumastos at mabawasan pa ang suweldo ng mga ito.

101

Related posts

Leave a Comment