Lumutang sa imbestigasyon ng Kamara PDR PALUSOT SA FOREIGN OWNERSHIP NG ABS-CBN

GINAGAMIT ng ABS-CBN ang Philippine Depository Receipts (PDRs) para itago ang katotohanan na dayuhan ang ilan sa mga may-ari ng nasabing broadcast company.

Sa counter presentation ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability, malinaw na may mga dayuhan na nagma-may-ari ng ABS-CBN corporation dahil sa PDRs na ibinenta sa mga dayuhan.

“Ipagpaumanhin niyo po Atty. (Cynthia) Del Castillo, ang PDR po ay isang pagpapalusot ng pagmamay-ari ng banyaga,” ani Defensor.

Si Del Castillo, siya umanong gumawa ng PDRs, ay iniharap ng ABS-CBN sa nasabing pagdinig at itinanggi nito na may kontrol sa ABC-CBN Corporation ang mga dayuhang bumili ng PDR sa ABS-CBN Holdings.

Lumabas sa pagdinig na ang mga nagbenta ng PDRs ay ang ABS-CBN Holding na may malaking pag-aari sa ABS-CBN Corporation kaya hindi maikakaila na may karapatan ang mga ito sa nasabing broadcast network.

“Sa palengke may rights…sa palengke puwede nyang ibenta ang rights nya, puwede nyang ibenta ng daang libo minsan milyon pa. yung kita sa rights nya pupunta dun sa nagbebenta sa palengke pero… yun nga po walang titulo. Dito sa PDR may titulo, wala nga syang pangalan sa titulo pero sya ang nagme-may-ari ng titulo,” ani Defensor.

Sa dokumentong inilabas ni Defensor, top 3 ang mga non-Filipino shareholder ng Lopez Holding Corporation dahil umaabot sa 9.89% ang kanilang share, top-1 ang Lopez Inc. na may 54% share habang 30.67% naman ang pumapangalawang Filipino shareholder.

“Sa maraming pagkakataon yan po ay puwede nating sabihing anti-dummy… na mayrong banyaga, mayroon siyang kinabitan na korporasyon na Pilipino pero ang kita at pagme-may ari sa katotohanan, kanya,” ani Defensor.

Ayon sa mambabatas, malinaw sa batas na kahit katiting ay hindi puwedeng magmay-ari ang mga dayuhan sa isang media network subalit dahil nagbenta ang mga ito ng PDR ay nagkaroon ng ownership ang mga banyaga sa nasabing media network.

DAMAY ANG IBANG NETWORK

Samantala, mistulang madadamay na ang ibang broadcast network sa problema ng ABS-CBN sa PDRs na ibinenta umano ng mga ito sa mga dayuhan.

Ipinagtanggol ng ABS-CBN na walang mali sa ibinentang PDRs dahil hindi mismong ang ABS-CBN corporation o ang broadcast company ng mga Lopez ang gumawa nito kundi ang kanilang mga sister company tulad ng ABS-CBN Holdings, kaya ipinakuha ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado ang mga kopya ng PDRs ng ibang network o mass media companies.

“Para sa kaalaman ng lahat dahil po ang pinag-uusapan ay PDR kahit po ABS-CBN lang po ang nag-aapply ngayon, ay nais po ng komiteng ito na makita lahat ng PDRs ng mga mass media na nabigyan na, formerly nabigyan na or mag-aapply pa lang,” ani Sy-Alvarado, chairman ng committee on good government and public accountability.

Layon umano nito na ikumpara ang PDR ng ibang network sa PDRs na inisyu ng ABS-CBN.

Dahil dito, inaasahan na kabilang sa mga broadcast network na magsusumite ng kanilang PDR sa Kongreso ang GMA 7 na nabigyan ng panibagong prangkisa noong Hulyo, 2016 sa pamamagitan Republic Act (RA) 10925. BERNARD TAGUINOD

85

Related posts

Leave a Comment