MAG-ASAWA SINISINDIKATO ANG COVID-19

IMBES tumulong upang masugpo na ang COVID-19, mistulang pinagkakakitaan umano ng isang mag-asawang Filipino ang pandemya kaya nahihirapan ang gobyerno na kumuha ng testing kits at makinang gagamitin para sa mass testing.

Ito ang isiniwalat ni Iloilo Rep. Janette Garin sa kanyang privilege speech ngayong gabi sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ukol sa mga dahilan kung bakit ang Pilipinas ang may pinakamahal na ginagastos sa testing kits sa buong mundo.

“May iilang walang konsensya na hinaharang ang access natin sa mga testing equipment at testing kits sa bansa natin. Allegedly, there is a couple in the Philippines barring the importation of much needed covid testing automated machines otherwise called automated extractor machines,” ani Garin.

Hindi nagbigay si Garin ng karagdagang pagkakakilanlan ng mag-asawa maliban sa inisyal na “VE” na nagho-hoarding umano ng mga makina na kailangan sa pagsusuri sa mga tao kung mayroong silang COVID-19 o wala.

“Bansagan natin ang mga halang ang kaluluwang ito bilang “VE”, gawang very enterprising ang mag-asawang ito, pati buhay ng ating mga kababayan ginawang negosyo,” ani Garin.

Nabuko umano ang raket ng mag-asawa nang makipag-ugnayan na ang mga donor sa mga kumpanya na nagbebenta ng testing kits subalit hindi sila makabili hangga’t hindi sila bumibili ng automated extractor machines.

“Nagulat ako dahil noong gumagalaw ang pribadong sektor tila hindi makapasok sa Pilipinas ‘yung order natin at ilang beses napo-postpone. Only to find out that not only this company but almost all companies selling testing kits, ibibigay lang sa iyo ang makina nila kung ikaw ay bibili ng testing kits,” ani Garin.

Dahil dito, mabebentahan lamang umano ang bumibili ng testing kits kung bibili muna ng makina sa mag-asawa at ipinapalabas umano ng mga ito na sila ang nabigyan ng otoridad na magbenta ng mga makina sa Pilipinas.

Dahil dito, hiniling ni Garin kay Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang mag-asawang ito dahil sila ang pangunahing dahilan kung bakit kulang ang testing kits gayung maraming supply nito sa iba’t ibang panig ng mundo. BERNARD TAGUINOD

51

Related posts

Leave a Comment