SA isang kalatas na may petsang Hunyo 19, 2023, inutusan ng Opisina ng Ombudsman ang mag-asawang mayor at vice mayor ng Lobo, Batangas na sina Lota Manalo at Gaudioso Manalo na sagutin ang reklamo ng isang korporasyon hinggil sa diumano’y paglabag nito sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Anti-Red tape Act.
Ayon sa reklamo, ang mag-asawang Manalo, kasabwat si Municipal Treasurer Leandro M. Canuel, ay patuloy na tumatangging aksyunan ang aplikasyon para sa renewal ng business permit ng kompanyang nagngangalang Efren Ramirez Construction Corporation na kailangan sa patuloy nitong operasyon.
Nakasaad din sa nasabing reklamo na matapos manalo sa eleksyon noong 2022, agad nagpahiwatig si Mayor Manalo ng paghingi ng “grease money” upang masiguro ang pagpasa ng business permit ng korporasyon upang maipagpatuloy nito ang ginagawang dredging sa mga ilog ng Lobo.
Upang lalong guluhin ang negosyo ng nagrereklamo, nagpahayag umano si Mayor Manalo na ibibigay sa ibang tao ang kontrata ng dredging operations na ginagawa nito kahit na hindi dumaan sa kailangang public bidding. Nakasaad din sa reklamo na upang mapagbigyang tibay ang kagustuhang ito ni Mayor Manalo, gumawa sila ng resolusyon na kunwari ay sinang-ayunan ng mga opisyal ng konseho at ng mga barangay na di kalaunan ay pinabulaanan ng mismong mga konsehal at mga kapitan na diumano ay pumirma sa nawawalang resolusyon.
Nilinaw rin sa reklamo na ang mga ginagawang “dredging” ng korporasyon sa mga ilog ay may mga kaukulang pahintulot mula sa mga pambansang ahensya tulad ng Department of Environment and Natural Resources, at ito, kasama ang iba pang mga kailangang dokumentong mayroon ang korporasyon ay makasasapat na upang ibigay sa kanila ni Mayor ang hinihinging business permit.
Sa huli, hiniling sa reklamo na patawan ng suspensyon ang mag-asawang opisyal ng Lobo at ang municipal treasurer upang hindi nito maimpluwensyahan ang imbestigasyong kailangang isagawa upang mabigyang linaw ang mga alegasyon ng korporasyon. Binibigyan lamang ng Ombudsman ng sampung araw ang mag-asawang mayor at vice mayor para sagutin ang reklamo.
322