MAGALONG KINAMPIHAN NI SOTTO

(NI NOEL ABUEL)

IPINAGTANGGOL ni Senate President Vicente Sotto III si dating Criminal Investigation and Detection (CIDG) at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga naging ambag nito sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng kontrobersiyal na good conduct time allowance (GCTA).

Giit ni Sotto, malaki ang utang na loob ng mga senador kay Magalong dahil sa ibinabahagi nitong mahahalagang impormasyon na may kinalaman sa operasyon ng illegal drugs.

Aniya, hindi dapat sisihin si Magalong sa kinakaharap ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagkakasangkot ng ilang tiwaling opisyales nito sa drug recycling bagama’t anim na taon na ang nakalilipas.

“Nagtataka ako doon sa mga nagsisisi kay Mayor Magalong. Bakit daw after six years, ngayon lang nilabas ‘yan? Naalala n’yo ‘yan? Hindi niya nilabas ‘yan. Baka nakalimutan nila, hindi yata sila nakikinig noong hearing, ang nangyari noong hearing, inimbita si Mayor Magalong, dahil doon sa raid na ginawa sa NBP at investigation na ginawa niya sa NBP noong araw, sa National Bilibid Prison, di ba?” ani Sotto.

At sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa anomalya sa NBP ay sinabi ni Magalong na noong nagsagawa ito ng imbestigasyon sa usapin ng drug recycling ay nabanggit nito sa executive session ang mga pangalan ng mga pulis sa sangkot dito.

“Doon sa issue ng recycling, sinasabi ni Mayor Magalong noong panahon niya, nu’ng nag-iimbestiga siya, ‘yung NBP was involved in transactions. As a matter of fact, sabi niya, merong isang malaking transaction na nangyari that ang NBP ang involved. Ito ‘yung heist sabi niya doon sa isang probinsiya na involved ang 138 o 238 kilos, parang ganu’n ‘yung natatandaan niya. So tinanong namin, alin ‘yun? He was just using it as an example doon sa recycling sa Bilibid, which was connected to the NBP and the GCTA investigation. Kami ngayon ang nagtanong, ano ‘yun? Sabi niya, hindi ko po pwedeng masabi, sa executive session na lang,” sabi ni Sotto.

Giit pa nito na nahihiya pa umano si Magalong na sabihin ang mga pangalan ng mga pulis na sangkot sa drug recycling dahil sa taong 2013 pa ito nangyari.

“He was very conservative about it. Nahihiya siya dahil magbabanggit siya ng mga tao eh noon pa ‘yun, 2013. In other words, hindi totoo ‘yung sinasabi na bigla na lang after six years, nilabas ng lahat ‘yan. Hindi. It was unearthed by the committee because of the connection to the recycling in the National Bilibid Prison. ‘Yun ang dahilan noon, kaya sa executive session niya sinabi. Noong kinuwento niya sa amin sa executive session, complete with the case files and everything, na-shock kami. Kaya the members of the committee wanted to bring it out into the open. So, I don’t think it is right to blame Mayor Magalong,” paliwanag ni Sotto.

 

365

Related posts

Leave a Comment