MAGKAPATID NA LOLA NATAGPUANG PATAY

WALA nang buhay nang matagpuan ang magkapatid na babaeng senior citizen sa Sampaloc, Manila, ngayong Biyernes ng umaga.

Nakilala ang mga biktima na sina Elizabeth Porras y de Leon, 84, pediatrician at Alicia, 64, residente ng Verdad St., Sampaloc, Manila.

Sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, Commander ng Manila Police District – Sampaloc Police Station 4, bandang 9:00 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang kanyang opisina kaugnay sa pagkamatay ng mga biktima.

Agad nagpadala si Villaruel ng mga tauhan upang ikordon ang bahay at nagpapunta ng MPD- Homicide Section kasama ang Forensic Unit.

Ayon kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng MPD – Homicide Section, naghatid ng pagkain si Malou Veras sa bahay ng mga biktima ngunit walang sumasagot kaya nagpasaklolo ito sa MPD- Lacson PCP.

Sa tulong ng pulisya, napasok ang tinutuluyang bahay ng magkapatid at tumambad sa kanila ang bangkay ng mga ito na nakahiga sa ikalawang palapag ng bahay.

Si Veras ay kasambahay ng kaanak ng mga biktima na si Atty. Anna Patricia Jacobo.

Iniimbestigahan pa ng MPD-Homicide Section ang insidente. (RENE CRISOSTOMO)

381

Related posts

Leave a Comment