Magpapabilis sa pamamahagi ng ayuda NATIONAL ID, INAAPURA

PINABIBILISAN ng National Task Force COVID-19 ang implementasyon ng national ID system sa layuning makapagkaloob ng agarang serbisyo sa mga panahon ng krisis gaya ng nararanasang COVID-19 pandemic sa buong mundo.

Sinasabing ang Philippine Identification System (PhilSys) ay tutulong sa gobyerno para awtomatikong makapagpalabas ng ayuda sa mahihirap na lubhang apektado ng krisis, kalamidad at mga panahon ng emergencies, ayon kay Cabinet Secretary and Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-IED) co-chair Karlo Nograles.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Identification System na mas kilala bilang Philippine System Identification Act noong August, 2018 na nag-aatas sa pamahalaan na lumikha ng isang official identification card para sa lahat ng mamamayan maging ng mga foreign resident na magsisilbing de facto national identification number.

Sa ilalim ng nasabing batas, nakapaloob sa nasabing ID ang Philippine Identification System number ng tao o ID holder, full name, gender, blood type, date of birth, place of birth, marital status, address at front facing photo.

Nabatid na bago nilagdaan ang PhilSys Act, ang Pilipinas ay kabilang sa iilang bansa sa buong mundo na walang national ID system.

Magugunitang tinangka ng nakalipas na administrasyon na magkaroon ng national ID subalit sinalubong ito ng matinding pagsalungat sa gitna ng pangamba ng mga nasa oposisyon hinggil sa data privacy na kinatatakutang malabag.

Nitong Abril ay itinakda ng Philippine Statistics Authority ang pagpaparehistro para sa national ID system subalit inilipat ito sa buwan ng Oktubre mula sa orihinal na July schedule dahil sa coronavirus pandemic. JESSE KABEL

78

Related posts

Leave a Comment