Mahalay na pagtrato sa ebidensya at kaso inalmahan DOUBLE STANDARD SA LEONEN IMPEACHMENT

0

(NELSON S. BADILLA)

BINIRA ni Atty. Lorenzo “Larry” Gadon ang agarang pagbasura ng mga kongresista sa Kamara sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen dahil lamang sa teknikalidad.

Pagpapakita aniya ng pagiging double standard ng House justice committee ang aksyon ng mga itong pagbalewala sa reklamo.

“Bakit nuong impeachment kay Sereno, xerox din mga dokumento pero pinatawag ng committee ang Supreme Court officials upang dalhin ang mga original documents at mag-testify ukol dito. Ganun din ang BIR, pinatawag ang mga opisyales at inatasan na dalhin at isumite ang mga original or certified records. Ganun din ang UP admin officials pinatawag rin at inatasan na dalhin ang mga original SALNs,” birada ni Gadon.

Maging ang dating kongresista ng Quezon City ay dismayado sa pagbasura sa reklamo.

Sa panayam ng SAKSI Ngayon, sinabi ni Atty. Matias “Mat” Defensor Jr. na “mahalay” ang desisyon ng komite dahil sa kawalan ni Edwin Cordevilla ng mga dokumentong “certified true copy” ng Korte Suprema.

Ani Defensor, hindi naman kailangan ng certified true copy ng dokumento upang patunayang totoo, o hindi, ang mga akusasyon ni Cordevilla laban kay Leonen.

Hindi naman magbibigay ang mataas na korte ng mga dokumento at tatatakan nito ng certified true copy upang gamiting ebidensiya laban sa mahistrado nito.

Minarkahan ni Cordevilla ang napakasamang resulta sa kanyang aksyon laban kay Leonen sa ganitong tirada: “It’s a sorry episode in Philippine history. That sovereignty resides in the people is now officially just a verbal display, music to the ears but has lost its meaning because unreal. That high public officials can be made accountable to the people is illusory. Justice is further hurt by Congress today”.

Si Cordevilla ang secretary-general ng Filipino League of Advocates for Good Governance-Maharlika (FLAGG-Maharlika) na naghain ng impeachment complaint laban kay Leonen noong Disyembre 2020.

Sa unang pagdinig ng justice committee sa impeachment complaint, ‘tinapos’ ng mga kongresistang kasapi nito ang impeachment case laban kay Leonen bunga ng kawalan ng “form” ng mga reklamo ni Cordevilla dahil hindi tunay na mga dokumento ang pinagbatayan nito.

Si Leyte Representative Vicente Veloso Jr. ang pinuno ng Justice Committee.

Bago naging mambabatas, si Veloso ay mahistrado ng Court of Appeals (CA).

Batay sa Rules of impeachment ng Kamara, unang sisilipin ang form ng impeachment complaint.

Tapos, ipapasa ang hatol ng Justice Committee sa secretary-general ng Kamara upang iulat ito ng pormal at opisyal sa buong Kamara.

Saka isusunod na pag-uusapan ng justice committee ang substance ng reklamo.

Anoman ang desisyon nito ay ipararating din sa secretary-general ng Kamara upang gumawa ito ng opisyal na ulat ukol sa desisyon.

Ayon kay Defensor, dapat pinagbigyan ng mga kongresista si Cordevilla na ipaliwanag ang kanyang mga reklamo.

Kung kailangan nila ng mga totoong dokumento ay maaaring magbigay sila ng subpoena sa Korte Suprema, o kaya sa College of Law ng

University of the Philippines (UP) upang malaman kung totoo, o imbento lamang, ang mga akusasyon ni Cordevilla laban sa mahistrado ng mataas na korte, patuloy ng dating kongresista na isa ring abogado.

Nagtapos ng abogasya si Defensor sa UP at itinuturing na “higante” sa larangan ng legal profession.

Sabi ni Defensor sa SAKSI Ngayon, hindi naman kailangang maging istrikto sa katangian ng dokumento ang mga kongresista dahil ang mga

krimeng ipinukol laban kay Leonen ay matagal nang alam ng publiko.

Nagsilabasan na sa media ang mga reklamo laban sa kanya na pawang galing sa mga source na nakaaalam ng mga pinaniniwalaang nilabag ni Leonen na batas.

Kahit nga sa kasong libelo, hindi naman certified true copy ang hinahanap ng hukom upang ipagpatuloy ang kaso laban sa mga mamamahayag.

Iyan ay pinahihintulutan ng “rules of court”.

Kumbinsido si Defensor na mayroong “sapat” na “form” at “substance” ang impeachment complaint ni Cordevilla.

Kumbinsido rin si Defensor na malakas at matbay ang mga ebidensiya ng mga kaso laban kay Leonen.

Aniya, iyon na lamang krimen ukol sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ay malaki, malakas at matibay nang batayan dahil ang noo’y Supreme Court Chief Justice Renato Corona ay natanggal bilang punong mahistrado ng mataas na korte bunga ng hindi pagsusumite ng kanyang SALN ng dalawang beses.

Natanggal din si Maria Lourdes Sereno sa pagiging punong mahistrado dahil anim na ulit siyang hindi nagpasa ng kanyang SALN habang propesor ng abogasya sa UP.

Si Leonen ay labinlimang ulit na hindi nagpasa ng kanyang SALN habang nagtuturo at dekano sa College of Law ng UP.

“Ayon kay Gadon: “the documents on SALNs are all kept at the Ombudsman and UP which REFUSED to issue certified copies. However, the letter from PCOO (Presidential Communications Operations Office) is sufficient to show that Marvic Leonen violated the SALN law”.

Idiniin ni Defensor na ang krimeng nakakabit sa hindi pagpapasa ng SALN bilang opisyal, o kawani, ng ahensiya ng pamahalaan, ay “trust”.

Ibig sabihin, dapat pinagkakatiwalaan ng publiko o mamamayan, ang sinomang opisyal at kawani ng alinmang ahensiya ng pamahalaan dahil sinusunod at ipinatutupad nito ang nakasaad sa batas.

Bukod sa public trust, ang isa pang krimeng inireklamo ni Cordevilla ay ang “sadyang paglabag sa Saligang Batas”.

Binanggit din ni Defensor na mahalaga ang impeachment sapagkat ang paraang ito na lamang makapagrereklamo ang mga ordinaryong Filipino, laban sa mga mahistrado ng Korte Suprema, pangulo ng bansa at iba pang impeachable officials, na nakagawa ng krimen laban sa bansa, pamahalaan at mamamayang.

Binigwasan din Gadon ang Justice Committee sa ganitong pahayag: “with the attitude of the congressmen in treating the complaint , it would be very difficult or nearly impossible for any citizen to file impeachment against any official. The members of the justice committee skirted on their duties to ascertain the truth. All they have to do is to summon the records of the Ombudsman and UP.”

Kung hihigpitan ng sobra ng mga kongresista ang alituntunin at proseso nito ay wala nang malalapitan ang mga pangkaraniwang tao.
Mabuti pa, tanggalin na lamang ang aspeto ng pangkaraniwang tao sa paghahain ng impeachment complaint kung hindi na ito pabor sa kanila, birada ni Defensor.

“Kay Sereno pwede xerox, kay Leonen hindi?” dismayadong pahayag pa ni Gadon. (May dagdag na ulat si JOEL O. AMONGO)

 

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment