(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI dapat magpadala ang mga Filipino sa propaganda ng ilang nagsusulong sa reclamation projects sa Manila Bay na pakikinabangan ito ng lahat lalo na ang mga mahihrap dahil taliwas ito sa katotohanan.
Ito ang nagkaisang pananaw nina Marikina Reps. Bayani Fernando at Buhay party-list Rep. Lito Atienza sa pagdinig ng House committee on metro manila development hinggil sa reclamation projects sa Manila Bay.
Hindi naitago ng dalawang mambabatas ang kanilang pagkainis sa propaganda na makakatulong sa mga mahihirap kapag nai-reclaim ang Manila Bay dahil sa mga development na ihahatid nito sa mga lugar ng mga irereclaim.
Nabatid sa nasabing pagdinig na pinamumunuan ni Quezon City Rep. Winston Castelo na ang puhunan sa bawat square-meter ng reclamation projects ay P20,000 at kapag naibenta na aniya ito papalo na sa P250,000 ang bawat square-meter ang presyo nito.
Kinontra naman ni Atienza ang pahayag ni Philippine Reclamation Authority (PRA) assistant general manager Joselito Gonzales na malaki ang tulong sa job generation ang reclamation katulad ng nangyari sa Roxas Blvd na tinayuan ng mga Casino, malls at iba pang negosyo.
Ayon kay Atienza, hindi ang mga apektadong komunidad noong isagawa ang reclamation na tinayuan ng mga casino at malls sa kahabaaan ng Roxas Blvd, ang nakinabang sa trabaho.
Ang tanging sigurado umano na nakinabang ay ang mga investors at hindi ang mga mahihirap na komunidad na naapektuhan sa proyekto at ganito din aniya ang mangyayari kapag itinuloy ang proyektong ito sa Manila Bay kalaunan.
Kinumpirma ng PRA sa mayroon apat na reclamation projects ang nakalinya sa Manila Bay kung saan 20,000 ektarya ng dagat ang tatabunan, partikular na sa Pasay City, Manila at Navotas.
139