MAHIHIRAP SA MECQ, TATANGGAP NG 2ND TRANCHE SAP SUBSIDY – SEC. ROQUE

MAKATATANGGAP ng second tranche ng cash assistance mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan ang mga pamilyang nasa kategoryang mahirap sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

“Kasama sa second tranche ang MECQ,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque sa Laging Handa press briefing.

Nauna rito, sinabi ng Malakanyang na ang second wave ng emergency subsidy ay limitado lamang sa kuwalipikadong benepisaryo sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

“Lilinawin ko po sa second tranche, inaantay ang memo galing sa office of the Executive Secretary,” ayon kay Sec. Roque.

“Ang paunang ilalabas ay sigurado po ay ‘yong mga ayuda sa mga lugar na nanatili sa ECQ,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Ang mga lugar gaya ng Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Zambales at Angeles City ay inilipat na sa modified lockdown matapos mapagdesisyunan ng pamahalaan na simulan nang ibangon ang ekonomiya na nasira ng pandemic.

Samantala, ang mga lungsod ng Cebu at Mandaue ay mananatili naman sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) habang ang ibang bahagi ng bansa na nailipat na sa (GCQ) general community quarantine ay may maluwag nang mga restriksyon.

Ang pamahalaan ay naglaan ng P200-billion emergency package para sa mahihirap na pamilya para tulungan ang mga ito na makaagapay at malampasan ang krisis ng COVID-19.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, ang bawat benepisaryo ay makatatanggap ng cash aid sa pagitan ng P5,000 at P8,000 twice (April at May) base sa minimum wage rates sa rehiyon.

Ang deadline para sa pamamahagi ng first tranche ng cash aid ay napaso’ na noong nakaraang linggo, May 10.

Sinabi ng Department of the Interior and Local Government na may 1,265 local government units na ang nakatugon sa deadline. CHRISTIAN DALE

 

71

Related posts

Leave a Comment