(JOEL O. AMONGO)
PATULOY na umaani ng suporta mula sa mga Pilipino ang panawagang ‘war on corruption’ ni dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez.
Naging mainit ang pagtanggap kay Atty. Rodriguez bilang panauhing pandangal sa pagtitipon ng senior citizens sa Brgy. Bambang, Bocaue at mga residente ng Brgy. Santol, Balagtas parehong sa lalawigan ng Bulacan.
Ipinaliwanag ni Atty. Rodriguez sa senior citizens sa Brgy. Bambang, Bocaue ang ‘transparency at accountability’ ng tao na nasa gobyerno.
Aniya, hindi maiiwasan na pag-usapan ang pulitika at bilang opisyal na kandidato sa pagka-senador, dapat suriing mabuti ng mga Pilipino ang bawat kandidato sa anomang posisyon.
Sinabi nito na pangunahing problema na matagal nang bumabalot sa bansa ang korupsyon.
Aniya, bago ang World War 2 ay mas maayos ang kalagayan ng mga Pilipino, subalit nang dumating ang digmaan noong 1944-45 ay naghirap ang Pilipinas.
“Imbes na bumaba ang naghihirap after 80 years ng World War 2 ay lalo pang dumami ang naghirap at patuloy na lumala ang korupsyon sa ating pamahalaan hanggang ngayon sa administrasyon ni Bongbong Marcos,” paliwanag pa ni Rodriguez.
Partikular na binanggit ni Rodriguez ang P90 bilyong pondo ng PhilHealth na sa halip gamitin sa medikasyon ng mga senior at iba pang gastusin sa mga pasyente at miyembro ay ibinalik sa national treasury.
Sa pagbalik aniya ng pondo sa national treasury ay gagamitin naman ito ng mga politikong korap para sa kanilang mga kapritso.
Ipinaliwanag din ni Rodriguez sa kanyang pananalita sa dalawang pagtitipon na kanyang dinaluhan kasama ng Hakbang ng MAISUG sa kanilang leader forum ang P550 bilyong flood control projects ng gobyerno.
“Kayo ho ba sa konting pag-ulan lang ay binabaha kayo, alam nyo po bang may P550 bilyon pondo para sa flood control projects? Saan nila dinala ang pondong ito? ‘Wag ho tayo papayag na magpatuloy sila sa kanilang mga kabaluktutan na ginagawa,” aniya.
Binanggit din ni Rodriguez ang Charter change na isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez na nagnanais maging prime minister sa mga darating na panahon kapag naamyendahan ang Saligang Batas.
Kasabay nito, hiningi ni Rodriguez ang gabay ng mga senior sa Brgy. Bambang sa ‘war on corruption’ na kanyang laban.
51