(NI ABBY MENDOZA)
HINAMON ng Majority Bloc ng Kamara si Senador Panfilo Lacson na pangalanan ang sinasabing congressman o congressmen na source ng kanyang impormasyon na nagsasabing P1.5 bilyon ang nakalaang pondo sa bawat 22 deputy speakers ng Kamara at P700 milyon naman sa mga kongresista sa ilalim ng 2020 national budget.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez hindi nila alam kung saan galing ang mga impormasyon ni Lacson.
Ang ipinasa umanong budget ng Kamara na nakatakda pa lamang i-transmit sa Senado sa Oktubre 1 ay carbon copy ng National Expenditure Program(NEP) na isinumite ng Malacanang.
“Actually nalulungkot po kami kasi hindi natin alam kung saan galing ‘yan. At this point right now, nobody seems to know where’s that is coming from and it would be helpful if the good senator could help us ferret out the truth by revealing to us the sources and the details on these information,” paliwanag ni Romualdez.
Hinamon naman ni Capiz Rep. Fred Castro si Lacson na tukuyin ang kanyang source dahil kung hindi nya ito magagawa ay malinaw na hindi verified at walang katotohanan ang alegasyon ng senador.
“We do not believe that there’s a congressman who’s behind this information. Nangyari na dati na galing daw sa congressman pero wala namang lumabas. We will only believe him if he reveal the real evidence, the congressman himself whom he said gave the information,” pahayag ni Castro.
Patutsada pa ni Castro na may karapatan si Lacson bilang senador na busisiin ang ipinasa nilang General Appropriations Bill(GAB) subalit ang nakapagtataka ay hindi pa nila naisusumite sa Senado ang kopya ng GAB subalit may opinyon na agad ang senador na may pork barrel ang mga mambabatas.
Umaasa rin si Castro na gagalangin din ni Lacson ang parliamentary courtesy at titiyakin na ang impormasyon na bibitawan nito sa media ay verified.
232