NAGBABALA ang Department of the Interior and Local Government (DILG ) sa mga kandidato na tigilan ang paggamit ng armed groups o private armies para takutin ang mga botante.
Pinatungkulan ng babala ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang lahat ng national and local candidates para sa darating na 2022 Elections, lalo na yung mga nasa 120 election hotspots.
“Stop using armed goons, stop using intimidation and force to influence the voters and other election candidates. Hindi natin sasantuhin kahit sino pa yan. The Philippine National Police (PNP) is committed to enforce the law completely sa kahit sinong lumabag sa batas, no fear and favor,” babala ni Año matapos ang ginanap na joint press conference kasama ang Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Año, dapat nang tigilan ng mga kandidato ang paggamit ng karahasan at lakas at impluwensiyahan ang magiging resulta ng halalan.
“Doble-kayod ngayon ang Kapulisan upang mawakasan ang kalakarang ito katuwang ang Armed Forces of the Philippines na tutukan ang mga areas of election concern,” sabi pa ni Año.
Base sa data ng PNP, nasa 125 local government units (LGUs) ang itinuturing na areas of election concern or hotspots sa bansa at sinumite na ito sa Comelec.
Ayon kay Ano binubuo ito ng 105 munisipalidad at 15 siyudad.
No to vote-buying
Nagbabala rin ang DILG Secretary sa mga kandidato laban sa vote buying at hinikayat ang publiko na maghain ng reklamo at sapat na katibayan na magtuturo sa mga sangkot sa naturang gawain.
“Lalo ring dapat higpitan ng mga awtoridad ang pagbabantay sa anomang uri ng vote buying at pinakaimportante na kapag magpapadala ng reports ang ating mga concerned citizens ay sana kumpleto na,” pahayag pa ng kalihim.
“We are always looking at facts and data in investigating the veracity of these reports. Minsan kasi manipulated at photoshopped ang mga ebidensya na pinapadala.” (JESSE KABEL)
97